MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / 17 Jun) – May sakit umano sa puso at problema sa kalusugan ang bagong government chief peace negotiator na si Catholic priest Eliseo Mercado na siyang pumalit sa nagresign na si Secy. Sylvestre Afable.
Ito ang sinabi ni Mohagher Iqbal, ang counterpart ni Fr Mercado, sa Moro Islamic Liberation (MILF) na kasalukuyang may peace talks sa pamahalaang Arroyo.
Naka-base ngayon sa Vatican City sa Roma si Fr Mercado, ayon kay Iqbal. “Wala kaming masasabi sa katauhan ni Fr Mercado, ngunit ang aming kaalaman ay may health problems ito. May sakit siya sa puso at ang rigor ng peace talks ay posibleng makasama sa kanya,” ani Iqbal sa panayam ng Abante.
Si Fr Mercado ang ipinalit ng pamahalaang Arroyo kay Afable matapos itong magresign. Sinuportahan naman ni Preisdnetial peace adviser Secy. Jesus Dureza ang pari at sinabing malaki ang karanasan nito sa peace process sa Mindanao.
Ngunit sinabi sa Abante ni Iqbal na dapat ay masiguro kay Fr Mercado kung tinanggap ba nito ang posisyon. Walang inilabas na pahayag si Fr Mercado ukol sa kanyang pagkakaluklok, maliban sa mga pahayag lamang ni Dureza, na dating pinuno government peace panel.
“Tinanggap ba ni Fr Mercado ang pisisyon? Alam ba niya na siya ang pumalit kay Secy. Afable?“ ito ang mga naging tanong ni Iqbal na hindi naman masagot ng pamahalaan.
Dapat ay sa buwang ito matutuloy ang peace talks matapos ng deadlock sa paguusap nuong nakaraang taon. Nais kasi ng MILF na pagusapan sa negosasyon ang ancestral domain – ang pinakamahirap na agenda sa paguusap – dahil ito ang maglalatag ng lawak na teritoryo ng mga Muslim sa Mindanao.
Unang inalok ng pamahalaan sa MILF ang Muslim autonomous region, subali’t umalma naman ang mag-amang gobernador ng ARMM na si Zaldy Ampatuan at Andal Ampatuan ng Maguindanao na may malawak na lupain sa central Mindanao.
Parehong kaalyado ni Pangulong Gloria Arroyo ang mag-amang Ampatuan at halos mga ang mga nakaupong alkalde sa Maguindanao ay kapamilya at kamag-anakanan naman ng dalawang gobernador. (With a report from Juan Magtanggol)
No comments:
Post a Comment