Sunday, May 03, 2009

Abuso ng militar, inireklamo sa Mindanao

COTABATO CITY (Mindanao Examiner / May 3, 2009) – Lumalaki ang pagkasuklam ng mga Muslim sa militar dahil umano sa patuloy na paglabag ng mga sundalo sa karapatan-pantao sa central Mindanao.

Ito ang sinabi kahapon ng Moro Islamic Liberation Front matapos na umano’y sunugin ng mga sundalo ang maraming kabahayan ng mga Muslim sa Maguindanao na kung saan ay walang humpay ang opensiba ng militar laban sa rebeldeng grupo.

Malaki na umano ang galit ng maraming sibilyan na karamihan ay biktima ng pagaabuso ng mga sundalo. Hindi umano makuha ng militar ang simpatiya ng mga Muslim kung kaya’t malimit silang pagbintangan na miyembro or supporters ng MILF.

Dahil na rin sa mga abusing ito ay lumalaki ang puwersa ng rebeldeng grupo dahil sa pagtatanggol nito sa mga sibilyan. Sinabi ng 6th Infantry Division na ang MILF ang nasa likod ng maraming pambobomba at ambush sa mga tropa sa Maguindanao.

Pinasinungalingan rin ng MILF ang inilabas na balita ng 6th Infantry Division na 13 mga kampo umano ang kanilang nasakop.  

“Propaganda ng militar. Dapat tignan ng Commission on Human Rights ang maraming paglabag sa mga karapatan ng sibilyan sa central Mindanao. Maging ang United Nations ay dapat na magpadala ng team na magiimbestiga nitong paglaba,” ani Eid Kabalu, isang mataas na lider ng MILF. 

Ang MILF ay ang pinakamalaking grupo ng mga rebeldeng Muslim sa bansa na nakikibaka para magkaroon ng sariling estado sa Mindanao. (Mindanao Examiner)

No comments: