Tuesday, May 05, 2009

Hustisya para kay Rebelyn Pitao; NPA hit squad tumira sa Mindanao

DAVAO CITY (Mindanao Examiner / May 5, 2009) – Itinumba umano ng New People’s Army (NPA) ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay sa anak na dalaga ng isang mataas na lider nito sa Mindanao.

Nakilala ang biktima na si Ruben Bitang at binaril diumano ito ng mga NPA hitman kamakalawa sa Panabo City. Si Bitang ang umano’y driver ng sasakyan na ginamit sa pagdukot at pagpatay kay Rebelyn Pitao, 22, nuong Marso 4 sa Davao City, ayon sa pahayag ng rebeldeng grupo sa Mindanao Daily Mirror.

Si Rebelyn na isang guro at anak ni Leoncio Pitao, isa sa mga lider ng NPA sa Mindanao, ay dinukot habang papauwi ito sa kanilang bahay. Natagpuan ang bangkay nito kinabukasan sa bayan ng Carmen sa lalawigan ng Davao na walang saplot at may maraming pasa at saksak sa kanyang katawan at ginahasa pa umano.

Nabatid na si Bitang, na isang empleyado ng Panabo City Environment and Natural Resources Office, ay tiyuhin ni Army Sgt. Helvin Bitang na miyembro ng Military Intelligence Group (MIG). Sinabi ng NPA na kasama rin ang sundalo sa mahigit isang mga iba pa sa karumal-dumal na pagpatay kay Rebelyn Pitao.

Pauwi na si Bitang ng ito’y tambangan ng mga rebelde. Sinentensyahan ng NPA ang lahat ng mga may kinalaman sa pagpatay kay Rebelyn Pitao. (Mindanao Examiner)

No comments: