Sunday, August 15, 2010

Operasyon kontra masaker suspek patuloy sa Mindanao

Isang supporter ni dating Muslim autonomous regional governor Zaldy Ampatuan habang naglalakad sa bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao. (Mindanao Examiner Photo)



MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / Aug. 15, 2010) – Walang humpay ang paghahanap ng pulisya sa mga umano’y sangkot sa masaker ng 57 katao nuong nakaraang taon sa lalawigan ng Maguindanao habang patuloy naman ang kaso laban sa ilang miyembro ng angkan ng Ampatuan na iniuugnay sa brutal na pagpaslang.

Kamakailan lamang ay nadakip ang isa pang suspek na si Atutuhon Esmael, na umano’y tauhan ng mga Ampatuan na sabit sa pagpatay. Kabilang sa mga pinaslang ay 32 journalists na kasama sa convoy ng pamilya ni Esmael Mangudadatu, na noon ay bise alkalde ng isang bayan sa Maguindanao.

Kasamang nasawi ang asawa ni Mangudadatu at kapatid na noon sana ay patungo sa opisina ng Commission on Elelctions upang maghain ng kanyang papeles sa pagpatakbo bilang gobernador ng lalawigan.

Sinabi ni Chief Superintendent Bienvenido Latag, ang hepe ng pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, na ang suspek ay nadakip sa bayan ng Datu Hoffer.

Halos 200 katao ang isinangkot ng mga awtoridad sa masaker nuong Nobyembre 23 at kasama ditto ang gobernador ng Muslim autonomoua region na si Zaldy Ampatuan; ang amang si Andal Ampatuan, ang kapatid na si Andal Jr., at iba pang miyembro ng pamilya na ngayon ay nakapiit sa bilangguan sa Maynila.

“Walang tigil yun ating paghahanap sa mga suspek sa masaker at tuloy-tuloy ang ating operasyon upang sila ay madakip,” ani Latag.

Itinanggi ng mga Ampatuan ang akusasyon laban sa kanila at kumuha ng mga de-kalibreng abokado upang labanan ang mga kasong isinampa ng mga pamilya ng nasawi. (Mindanao Examiner)

No comments: