Sunday, December 10, 2006

Estados Unidos, Sundalong Kano Pinuri sa Sulu

SULU (Mindanao Examiner / 10 Dec) - Malaki na nga ang ipinagbago ng Sulu dahil sa dami ng tulong na ibinibigay ng pamahalang Estados Unidos mula ng dumating doon nitong taon ang mga sundalong Kano upang tumulong sa ibat-ibang humanitarian projects sa lalawigan.

Ngayon ay kapuna-puna na ang maraming mga bagong gusali sa mga kanayunan at maging mga paaralan na noon ay halos hindi na magamit ng mga estudyante dahil sa kabulukan ay ngayon ay mistulang mga bagong silid-aralan.

Mula sa bayan ng Jolo hanggang sa magulong lugar ng Talipao at Patikul na kilalang kuta ng mga teroristang Abu Sayyaf ay iisa ang tugong ng mga mamamayang Muslim sa tuwing tatanungin sa magandang naganap sa kanilang kapaligiran ay iisa ang sagot ng mga ito -- ang tulong na naibigay ng mga Kano.

"Malaki ang nagawa nila sa aming bayan. Tignan mo yan bagong building at ngayon ay napapakinabangan na naming lahat at hindi lamang yan ang bigay ng mga Kano, mayroon pa kaming mga libro at computers para sa mga batang magaaral," ani Ibrahim Abubakre.

Maraming mga Muslim rin ang nais na magtagal pa ang mga sundalong Kano sa Sulu dahil pakiwari nila ay unti-unting nagagapi ang terorismo sa isla.

Layunin rin kasi ng mga Kano sa Sulu ay ang tumulong sa pamahalaang Arroyo na magapi ang banta ng terorismong dulot ng Abu Sayyaf. Bukod sa nasabing grupo ay nasa lalawigan na rin ang ilang mga lider ng Jemaah Islamiya, katulad nina Dulmatin at Umar Patek.

"Basta gusto namin ay dito na sa Sulu ang mga Orang Puti, ang mga Melikan. Mahal na namin sila," ani naman ng isang estudyanteng Muslim na si Soraya Salmani. (Mindanao Examiner)

1 comment:

Anonymous said...

Malaki talaga ang tulong nila. Maraming maraming salamat.