MANILA (Mindanao Examiner / 28 Feb) - PINAYAGAN na ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malipat ng pagamutan si Marine Colonel Ariel Querubin na nakararanas ng malaria.
Kinumpirma kanina ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na sa Fort Bonifacio General Hospital pansamantalang mananatili si Querubin.
Kinakailangan aniyang sumailalim ng follow-up treatment si Querubin at hindi muna dadalhin sa bagong detensyon nito sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal kasama ang mga opisyal ng Army Scout Rangers na dawit sa bigong planong kudeta hanggat hindi tuluyang gumagaling sa karamdaman.
"The chief of staff has approved the transfer of Colonel Querubin to the Fort Bonifacio General
Hospital. He will undergo some follow-up treatment," ayon kay Bacarro.
"He [Querubin] will stay there until his treatment is finished," dagdag nito.Buhat sa Makati City hospital ay dinala na si Querubin sa naturang ospital ng Philippine Army sa Fort Bonifacio.
Ayaw namang ipaliwanag ni Bacarro kung bakit hindi dinala sa Navy hospital sa loob rin ng Fort Bonifacio si Querubin sa halip na sa Army headquarters.
Itinanggi rin ni Bacarro na mas malala pa sa mga piitan sa Maynila ang kalagayan ng detensyon sa Camp Capinpin, Tanay Rizal.
"That is not true… We can assure you that we are treating them like our own," depensa ng opisyal.
Samantala, pinabulaanan rin ng AFP ang pagpapakilos sa mga tauhan ng militar upang mangampanya kontra o pabor sa sinumang kandidato.
Binigyang-diin ni Bacarro na maliwanag ang mandato ng militar na hindi makikialam sa pulitika.
Umano'y naglunsad ng kampanya ang AFP upang iboykot o huwag iboto ang mga kandidatong partylist group na iniuugnay sa Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA).
May mga ulat rin na nagsasagawa ng pangangampanya ang militar para iboto ang ilang kandidato ng administrasyon tulad sa Camarines Sur na kung saan ay napabalitang tatakbo si Diosdado Arroyo, anak ng Pangulo, sa Kongreso.
Sa kabila ito ng umiiral na memorandum of agreement sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Commission on Elections (Comelec) na naglilimita sa papel ng militar sa mga halalan sa bansa.
Sinabi ni Bacarro na pinaninindigan ng AFP ang prinsipyo ng non-partisan politics upang hindi makaladkad ang mga sundalo sa pansarili at pulitikal na interes ng anumang grupo o indibidwal.
Ayaw na rin umano ng AFP na maulit pa ang kontrobersya ng "Hello Garci" na naglagay sa alanganin sa kredibilidad ng mga miyembro ng institusyon. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment