MANILA (Mindanao Examiner / 26 Feb) - HINDI papayagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maligalig ang posisyon ng Pangulong Gloria Arroyo at tiniyak na matatapos nito ang termino hanggang 2010.
Sinabi kanina ni AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na matibay ang paninindigan ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr., na walang makalulusot sa planong kudeta sa panahon ng kanyang panunungkulan.
"As long as the AFP remains committed sa mandate, well I think we will not resort to such extrajudicial undertaking," ani Bacarro.
Kumpyansa pa ito sa mga hakbang na ginawa ng liderato ng militar upang masigurong walang magiging sanhi ng demoralisasyon sa hanay ng mga sundalo.
Ipinauunawa na aniya sa mga miyembro ng AFP ang kasalukuyang mga pangyayari upang hindi agarang makaladkad o magamit ng mga grupong may pansariling interes.
Sa isang taon nang nakalipas matapos ang nabigong kudeta noong Pebrero ng nakaraang taon, sinabi ni Bacarro na lalong tumatatag at nananatiling buo ang institusyon.
Bukas ay ipagpapatuloy ng General Court Martial ang pagdinig sa Tanay, Rizal laban sa 28 opisyal ng Scout Ranger at Philippine Marines. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment