MANILA (Mindanao Examiner / 28 Feb) - HUMINGI ng tawad ngayon ang isa sa mga nasangkot sa bigong kudeta noong Pebrero ng nakalipas na taon kasabay ng paghirit na mapayagang mangampanya sa halalan sa Mayo.
Partikular na inihingi ng paumanhin ni Army Scout Ranger Captain Dante Langkit kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. ay ang naging pagkadismaya ng heneral matapos siyang makisangkot sa nabigong planong kudeta.
"I am truly sorry if I have caused you disappointments and I sincerely thank you for your personal concern of which I have been aware," ayon kay Langkit sa kanyang isang pahinang liham.
Hiniling ni Langkit na mapahintulutan itong makalabas ng kulungan upang makapangampanya sa kanyang lalawigan na mahigit isang taon na rin nitong hindi nabibisita bunsod ng pagkakakulong.
Ang kakambal ni Langkit na si Danzel ang nagdala ng sulat sa tanggapan ni Esperon.
Si Langkit ay dating naging security aide ni Esperon at parang ama na ang turing nito sa AFP leader.
Sinabi pa ni Langkit kay Esperon ang kahandaang tumugon sa demokratikong proseso sa pamamagitan ng pagkandidato.
"In this regard, may I respectfully ask your permission that I be allowed to campaign in my province during the election period. I give you my word and honor that I will not grant any interview or make statements save on issues locally affecting my province which I feel to be relevant in the election process," ani Langkit.
"Above all, I will report to you (Esperon) after the election period…(and hoping for a) favorable action hereon and reiterating my gratitude as ever, I remain steadfast to the chain of command," dagdag pa nito sa liham.
Si Langkit ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1995, at mista ni dating Navy Lieutenant Senior Grade Antonio Trillanes IV na tumakbong senador sa ilalim ng tiket ng oposisyon. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment