Tuesday, February 13, 2007

EDITORYAL: Ang Simula ng Pangangampanya!

NAGSIMULA NA ANG KAMPANYA ng mga pulitiko para sa halalan sa Mayo. Katakut-takot na pambobola ang maririnig mula sa mga taong ito at siguradong babaha ng salapi upang makumbinsi ang maraming Pilipino na sila’y ihalal.

Ngunit malamang na itodo ng mga pulitiko ang pamumudmod ng pera kung malapit na ang eleksyon – hindi lamang sa mga botante, kundi sa mga opisyal ng barangay, ng lunsod, bayan at lalawigan na kung saan ay may mga kaalyado ito – para masigurong makuha nila ang boto!

Isang damakmak na pangako sa mga Pilipino ang maririnig at kung anu-anong pambobola at kasinungalingan ang siguradong ilalabas ng mga herodes. Kawawang Pinoy at marami na naman ang maloloko.

And matindi ngayon ay ang inaasahang kaguluhan at pandaraya sa pagitan ng mga magkakatungaling pulitiko – administrasyon man o oposisyon, kaliwa o kanan!

Sa Mindanao ay talamak ang dayaan nuong halalan ng 2004, pero giit pa rin ng Malakanyang na malinis at may mga dayuhang observers pa. Eh, ang tanong ay nasaan ba ang mga observers na iyan? Nagpunta ba sila sa Maguindanao o Lanao, nagtungo ba ang kanilang grupo sa Sulu o Tawi-Tawi o kaya ay sa Basilan?

Grabe! Ang masasabi ko lang ay sobrang bulok ang naging halalan at talamak sa pandaraya, mula sa botohan hanggang sa bilangan! Sa Sulu lamang na kung saan ako ay na-assign upang mag-cover ng halalan nuong 2004 ay halos hindi ako nakatulog dahil sa aking mga nasaksihan.

Sa bayan ng Maimbung ako noon naglagi at doon ay saksi ako sa bilihan ng boto, sa palitan ng mga election IDs, sa pagpayag ng mga bantay na maka-boto ang menor-de-edad at ang lantarang kawalang-hiyaan ng mga may hawak ng balota.

Mahirap ipaliwanag, subalit hindi ko maubos-maisip kung bakit naganap ang ganoong mga bagay. Sa Islam ay ipinagbabawal ang masama, ngunit bakit nanaig ito sa Sulu, sa Mindanao? Sa mga nakita kong balota sa Maimbung ay nakasulat na ang mga pangalan ng ibat-ibang pulitiko.

Dalawang-daang piso naman ang bayad sa bawat Badjao na bumuto sa isang kandidato – wow! Eh, daan-daang mga Badjao na hindi marunong sumulat ang nag-unahan sa paglalagay ng kanilang thumbmarks kahit hindi alam kung ano ang mga pinagbabasa, basta ang mahalaga ay makuha ang salaping maipambibili ng 10 kilong bigas at isda.

Minsan naisip ko tuloy na huminto na lamang sa pagsusulat dahil sa mga kabuktutan ng lipunan aking ginagalawan, ngunit mamamatay naman sa gutom ang aking pamilya at hindi makakapag-aral ang aking mga anak. At kung mangyayari ito ay baka mapabilang na rin kaming lahat sa kabulukan nitong lipunan.

Hanggang kailan kaya ang ganitong uri ng lipunan, ang ganitong uri ng gawain. Mabuti na lamang at isa akong ateyista, walang kinikilalang panginoon o diyos at kung hindi ay malamang naitakwil ko na ang lahat ng mga santong kilala sa mundo!

Hanggang kailan magtitiis ang mga mamamayan upang makamit ang tunay na pagbabago...hanggang kailan?
(Al Jacinto)

No comments: