Friday, February 23, 2007

Mga Sundalo Demoralisado Sa U.N. Report

MANILA (Mindanao Examiner / 23 Feb) - INAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malaki ang hinanakit ng mga sundalo sa patuloy na paratang sa kanilang hanay na responsable sa political killing sa bansa.

Ayon kay AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel BArtolome Bacarro, maaaring makaapekto rin sa operasyon ng militar kontra rebelde at terorismo ang naturang kontrobersya lalo na't madudumihan rin ang institusyon sa mata ng international community.

Kung lalabas aniya sa ulat ni United Nations (UN) rapporteur Philip Alston kontra sa AFP, madidismaya ang kasundaluhan. Hindi naman aniyang maituring na kabulukan na ng organisasyon o ng kabuuang 120,000 puwersa ng militar ang pagkakasala ng isa o kahit hanggang 100 sundalo na idinadawit sa extrajudicial killings.

Binanggit pa ni Bacarro ang isang insidenteng nakita ng isang sundalo nito sa kasagsagan ng operasyon ang dyaryong nag-ulat ng panghoholdap ng kapwa-militar.

Hindi makatwiran umano para sa mga ordinaryong sundalo na nagsasakripisyo ng buhay at pamilya na mahusgahan sa pagkakamali ng iba.Gayunman, positib pa rin si Bacarro na mananatiling nakatuon sa tungkulin ang bawat sundalo at patutunayang mali ang mga alegasyon sa institusyon. (Juley Reyes)

No comments: