Monday, February 26, 2007

Miyembro Ng NPA "Kangaroo Court" Kumanta Na; Commander Patay Sa Agawan ng Baril!

MANILA (Mindanao Examiner / 26 Feb) - UMAMIN ngayon ang mga nagpakilalang miyembro ng "kangaroo court" ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) sa Quezon hinggil sa kabiguang makanti ang sinumang miyembro ng militanteng grupo.

Itinanggi rin ng mga ito na gumagamit sila ng mga nakamotorsiklong assassin upang sentensyahan ang matutukoy nilang guilty. Kalimitang nakamotor ang mga suspek sa pagpapatumba ng mga biktima ng political killings.

Iniharap ang tatlong sinasabing miyembro ng "kangaroo court" upang patunayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginagawang pagpaslang ng komunistang grupo sa kapwa nito rebelde at responsable sa mga insidente ng extrajudicial killings.

Una nang idinidiin sa resulta ng pagsisiyasat ng Melo Commission at United Nations Special Rapporteur Philip Alston ang militar sa serye ng media at militant killings.

"The existence of NPA [New People's Army] kangaroo courts in the Bondoc peninsula is one of the obvious reasons that substantiate the AFP's claims that the CPP-NPA themselves are mainly responsible for the extra-judicial killings, not only of leftist and militant personalities, but also of persons who are percenived to be counter-revolutionaries," ayon kay AFP spokesman Lieutenant Colonel BartolomeBacarro.

Kabilang sa mga lumantad na kangaroo court members ay sina Ruel Llanta, Eufenio Orpinada, at Jose Orpinada na nag-o-operate sa San Narciso, Quezon bago sumuko sa mga awtoridad.
"Wala pa. Wala pa po kaming naparusahan ng ganoon (militante)," ayon kay Jose.

Isang Grace naman ang humarap at inihayag ang pagdukot ng komunistang grupo sa kanyang ama na si Romulo de Villa, isang NPA supporter, at natagpuang patay noong Nobyembre, 2006.

"The NPA is desperate, very desperate… They liquidated my father. The CPP always blames the AFP, but their allegations were never proven. What about those that theykilled? They should stop this," ayon kay Grace.

Samantala, kinumpirma rin ng military na napatay ng nito ang isang hinihinalang lider ng NPA kasunod ng shootout sa Jaro, Leyte.

Nabatid kay Philippine Army spokesman Major Ernesto Torres, Jr., na dakong alas-7:20 ng umaga kanina nang maaresto ang suspek na si Antonio Ramos, kalihim ng Negros-Leyte Front ng Eastern Visayas Regional Party Committee sa isang checkpoint sa Jaro-Alang-Alang Maharlika, Olutan sa naturang lalawigan.

Dadalhin sana si Ramos sa headquarters ng 19th Infantry Battalion lulan ng M35 truck dakong alas-9:10 ng umaga nang agawin ng rebelde ang baril ng isa sa mga security escort nito.

Pinaputok ni Ramos ang naagaw na baril na naging dahilan upang pumalag ang iba pang sundalo at nasugatan ito sa tiyan subalit naideklarang dead on arrival sa Ormoc Sugar Planters Association Hospital.

Hindi naman agad makunan ng pahayag ang NPA ukol sa naganap. (Juley Reyes)

No comments: