Wednesday, February 21, 2007

Operasyon Ng CIA Sa Pinas, Sunog Dahil sa Jihadists!

SULU (Mindanao Examiner / 21 Peb) – Posibleng masunog ang anumang sikretong operasyon ng Estados Unidos sa bansa matapos na ibunyag ng isang tanyag na correspondent ng Atlantic Monthly ang umano'y pagkakasanggkot ng Central Intelligence Agency o CIA sa pakikibaka sa Abu Sayyaf.

Sa panimula ng "Jihadists in Paradise" ay nakapaloob doon ang ginawang sikretong operasyon ng CIA upang mapatay an glider ng Abu Sayyaf na si Aldam Tilao alias Abu Sabaya na siyang utak sa pagdukot sa 20 katao, kabilang ang 3 Kano, sa Dos Palmas Resort sa Palawan province.

Isasapelikula rin umano ng Pirates of the Caribbean team ng Disney at tanyag na producer Jerry Bruckheimer ang Jihadists in Paradise."

"A kidnapping at a Philippine resort triggered a yearlong hunt for pirate terrorists and their American hostages. A behind-the-scenes tale of intrigue, spycraft, and betrayal," ani Mark Bowden sa pambungad ng isinulat nitong Jihadists in Paradise na ngayon ay nasa website ng Atlantic Monthly.

Binili umano ng Disney at ni Bruckheimer ang rights upang maisapelikula ang Jihadists in Paradise, na lumabas nuong March issue ng Atlantic Monthly.

Si Bowden, national correspondent ng Atlantic Monthly, ay nakasulat na ng ilang mga libro at artikulo na isinalim sa Hollywood films at kabilang dito ang napakagandang pelikulang "Black Hawk Down," na kung saan ay kasama rin si Bruckheimer.

Mariing tinututulan naman ng mga militanteng grupo ang pagpapalabas sa pelikula ng Jihadists in Paradise dahil maituturing umanong propaganda ito ng Estados Unidos upang lalong mapalawak ang saklaw ng kapangyarihan nito sa bansa.

Sa review ng Jihadists in Paradise ay idinetalye ditto ang pagsulpot ng Abu Sayyaf at ni Tilao bilang isa sa mga notoryosong lider ng teroristang grupo na iniuugnay ng U.S. sa al-Qaeda ni Usama bin Laden.

Ipinanganak si Tilao sa Basilan province at nag-aral sa Zamboanga City bago ito nag-abroad sa Saudi Arabia at bumalik ng Mindanao.

Kabilang sa dinukot ni Tilao sa Dos Palmas resort ay si Guillermo Sobero, California, at mag-asawang misyonaryo na sina Martin at Gracia Burnham, ng Kansas.

Pinigutan ng ulo ng Abu Sayyaf si Sobero at iniwan ang bangkay nito na lamunin ng mga hayup sa kagubatan ng Basilan na kung saan dinala ang mga bihag. Inabot ng halos isa at kalahating taon ang paghahanap kay Tilao hanggang sa matunton ito ng CIA at mapatay sa tulong ng Armed Forces of the Philippines.

Napatay naman si Martin Burnham at sugatan ang asawa nito sa isinagawang rescue mission sa Zamboanga del Norte na kung saan ay ipinuslit ni Tilao ang mga bihag.

Mariing itinanggi ng military ang anumang partisipasyon ng CIA o anumang ahensya ng Estados Unidos sa operasyon kontra kay Tilao.

Pero lumabas noon ang isang video na kuha ng isang U.S. spy plane na kung saan ay ipinakita kung paano binuntutan ng CIA ang grupo ni Tilao sa kanyang pagtakas sa Zamboanga del Norte hanggang sa ito'y mapatay. Nakunan ito sa pamamagitan ng thermal imaging system.

Nasa website rin ng Atlantic Monthly ang nasabing CIA video at makikita sa URL na ito: http://www.theatlantic.com/movies/bowden/surveillance-9.mhtml.

Doon makikita ang 6 na na black figures, na pinaniniwalaang kabilang si Tilao, na naglalakad patungo sa naghihintay na speedboat na binabantayan ng isang pa hanggang sa pagtakas nito sa kadiliman.

Iginiit ng military na napatay ng mga sundalo si Tilao sa isang enkuwentro sa karagatan ng Zamboanga del Norte province. (Mindanao Examiner)

No comments: