Friday, February 23, 2007

Palparan, Kakandidato Sa Halalan?

MAYNILA (Mindanao Examiner / 23 Peb) - INAMIN ni dating Army Major General Jovito Palparan na pinag-aaralan nito ang posibilidad na kumandidato sa halalan sa darating na Mayo.

Sinabi ni Palparan na kung kinakailangan ang panibagong bugso ng pagseserbisyo nito sa gobyerno ay sasabak siya sa pulitika upang ipagpatuloy ang mga naunang kampanya laban sa komunismo.

Depende aniya kung kakayanin nito ang kumandidato dahil sa maraming aspeto na kailangang ikonsidera na hindi na niya pinalawig bagamat patuloy pa ring pinag-iisipan ang naturang plano.

Gayunman, hindi pa kinumpirma ni Palparan ang ispesipikong posisyon na nais takbuhin na pinagpipilian sa pagiging kongresista o alkalde.

Nagbuhat si Palparan sa Misamis Oriental.Mayroong hanggang Marso 29 pa ang kontrobersyal na heneral upang makapaghain ng certificate of candidacy sa lokal na posisyon sakaling makapagdesisyon na ito.

Okay lang aniya kung kumandidato ito sa ilalim ng administrasyon o bilang indipendyente.

Itinanggi naman ni Palparan na binigyan siya ng pwesto sa National Security Council (NSC) bagamat hinahangad nitong mabigyang-puwang muli sa pamahalaan upang tumulong sa kampanya kontra terorismo sa bansa.

Naging mainit si Palparan sa mata at pagbatikos ng mga militante at komunista bunsod ng pagpaslang sa mga rebelde at tagasuportang sibilyan na ipinaparatang na kanyang ipinag-utos.(Juley Reyes)

No comments: