QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 19 Peb) - Sa halip na magbabad sa mga inuman sa gabi ay aabalahin na lamang sa pamamasyal sa mga makasaysayang lugar sa Pilipinas ang mga sundalong Amerikano na kalahok sa Balikatan military exercises ngayong taon.
Ito'y upang hindi na maulit ang kaso ng panghahalay sa isang Pilipina na kinasangkutan ni US Marine Lance Corporal Daniel Smith.
Tiniyak ngayon Lunes ni Major General Stephen Tom, Balikatan exercise director for US, na disiplinado na ang pagkilos ng may 390 tropa nito sa bansa upang hindi masangkot sa anumang insidente na labag sa batas.
"I am very, very confident that we will have all our US personnel conducting themselves properly and we'll have no incidences," ani Tom.
Sa panahon aniya ng pahinga ng mga Amerikanong sundalo ay mas makabubuting gamitin sa pag-alam at pag-unawa sa kultura ng bansa.
"The R and R [rest and recreation] will be one, but yes, we want the US personnel to explore and understand the culture of the Philippines and so we will have, and encourage organized tours and organized trips so that soldiers can learn about the Philippines," dagdag nito.
Samantala, hindi isasangkot sa anumang operasyon laban sa Abu Sayyaf Group ang mga sundalong kabilang sa Balikatan exercises, lalo na sa mga pagsasanay na ilulunsad sa mga lugar na mainit ang pagsalakay ng mga terorista.
Sinabi ni Rear Admiral Amable Tolentino na mga non-combatant at nakatutok lamang sa humanitarian projects ang tropa ng Amerika at Pilipinas.
"We have different forces that focus on military offensive against the bandits.But there's no live fire exercises. Only developmental activities," dagdag ng heneral.
Ginarantiya na rin ni Tolentino ang seguridad na ibibigay sa tropa ng mga sundalong sasabak sa humanitarian mission.
Samantala, inihayag naman ni Armed Forces Chief-of-Staff General Hermogenes Esperon Jr. na mahigpit nang nabubuntutan ngayon ang pagkilos ni Jemaah Islamiya bomber Umar Patek na nagtatago sa Sulu.
Gayunman, hindi na pinalawig ni Esperon ang posisyon ng terorista dahil nagpapatuloy ang operasyon at iginigiit nito na hindi pa rin nakakalabas ng Sulu ang mga naiipit na bandido sa lalawigan.
Taliwas ito sa mga naunang ulat na nakapuslit na patungong Tawi-Tawi si Patek.
"We are still working on Umar Patek as a target. We are not yet in a position to give details on our ongoing operations about that," ani Esperon.
"There are new sightings. We are working on that. Rest assured, the operations in Jolo will go on with more intensity," dagdag nito.
Kasama ni Patek si Dulmatin na pinaniniwalaang utak ng pambobomba sa Bali, Indonesia at anim na buwan nang tinutugis sa Sulu.
Kinumpirma rin ni Esperon na mayroong hanggang bago maghalalan ang tropa ng militar sa Sulu upang tuluyang masawata ang mga terorista. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment