Friday, March 23, 2007

AFP May Bagong Ebidensya Na Naman Sa Mga Kaliwang Party List Groups!

MANILA (Mindanao Examiner / 23 Mar) - Muli na namang nakadiskubre ang militar ng mga sinasabing panibagong ebidensya na magpapatunay ng malinaw na ugnayan ng New People's Army (NPA) sa ilang party list groups sa bansa.

Sa nakuhang bag mula sa rebeldeng si Allan Villare na napatay sa engkuwentro sa bayan ng Juban sa Sorsogon noong Marso 20 ay nakapaloob diumano ang mga dokumento ng campaign plan para sa partylist groups na Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, Anakpawis at Suara Bangsamoro.
"We have strong evidence that the NPA and these party list groups are connected," diin ni Lieutenant Colonel Benigno Antonio, pinuno ng Army's 2nd Infantry Battalion.

Magugunitang natisod naman ng militar sa Davao del Sur noong nakaraang buwan anng mga campaign posters at calendars ng Bayan Muna matapos ang sagupaan.

Ayon sa buod ng dokumento, ang campaign plan ay binubuo ng tatlong bahagi: una, isinakatuparan ng Pebrero 13 hanggang Marso 13 ang house to house campaign, paglalagay ng mga campaign posters, pagbuo ng alyansa sa mga lokal na opisyal ng gobyerno, pagtukoy ng mga poll watcher, at pagtatayo ng municipal headquarters.

Kasama rito ang pagtukoy ng mga kandidato at tagasuporta ng party list groups na kaalyado ng Malakanyang tulad ng Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD), Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP), Akbayan, Sanlakas, Partido ng Manggagawa (PM), Akap, at Aksa.

Ikalawa, mula Marso 14 hanggang Abril 14, ang deployment ng propaganda teams sa mga dyip at tricycles, paglulunsad ng party congress municipalities at pagpapadala ng mga delegado para sa provincial conventions ng Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, Anakpawis at Suara Bangsamoro.

Ikatlo, mula Abril 14 hanggang May 14, magpapadala ang rebeldeng grupo ng mga delegado para sa miting de avance na sasabayan rin ng mga protesta.

Ang mobile propaganda teams ng NPA ay bubuo ng caravan na maglilibot sa Sorsogon sa isang araw at sa mismong halalan ay agad na iuulat ang resulta ng eleksyon.

TInatayang 15,000 boto buhat sa Bulan, 7,000 sa Gubat at 3,000 sa Prieto Diaz ang minimum votes na makukuha ng mga partylist. Hindi naman agad makunan ng pahayag o reaksyon ang mga nabanggit na party lists. (Juley Reyes)

No comments: