Thursday, March 15, 2007

AFP Walang Pakialam Kay Satur!

MANILA (Mindanao Examiner / 15 Mar) – Hindi makikisawsaw ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa inilunsad na pagtutugis kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na nahaharap sa mga kasong pagpatay dahil sa umano'y purging activities ng komunistang grupo sa Leyte.

Katwiran ni AFP National Capital Region Command Chief Major General Mohammad Ben Dolorfino, trabaho ng Philippine National Police ang paghahanap sa wanted na kongresista.
Makikialam lamang aniya ang militar kung hihingin ng pulisya ang ayuda nito upang agaran nang madakip ang nagtatagong mambabatas. Gayunman, sinabi kanina ni Dolorfino na kung may mga impormasyon ang AFP hinggil sa pinagtataguan o pinagkakanlungan ni Ocampo ay makikipag-ugnayan naman sila sa PNP.
Si Ocampo, gayundin si Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison at 52 iba pang komunista ay idinidiin sa 15 kasong pagpaslang kasunod ng summary execution sa mga rebelde mula 1984 hanggang 1991 sa Hilongos, Leyte.
Itinanggi na ng kongresista ang naturang akusasyon sa katwirang nakakulong umano ito nang mangyari ang insidente. "I was in the maximum security detention center of the Armed Forces of the Philippines in Fort Bonifacio from 1977 onwards. I was in solitary confinement up to 1985."

"I was never in any position from 1984 to 1986 or at any other time to sign any kind of order to kill people in Leyte or anywhere else in the Philippines," ani Ocampo. (Juley Reyes)

No comments: