MANILA – Hihirit ang Anti-Terrorism Task Force ng pag-amyenda sa pinagtibay na bagong batas laban sa terorismo bagamat hindi pa ito opisyal na naipatutupad sa bansa.
Partikular na pinababago ni Defense Undersecretary Ricardo Blancaflor, director for Legal, Public Information and Advocacy-Anti Terrorism Task Force, ay ang Section 50 ng Republic Act 93721 o ang Human Security Act 2007 na nagtatakda ng multang P500,000 sa bawat araw na nakapiit ang isang maling suspek sa terorismo.
Katwiran ni Blancaflor, hindi praktikal ang nasabing probisyon lalo pa't wala namang sapat na pondo ang Philippine National Police o kahit anong ahensya ng gobyerno na aaresto sa suspek. Tinatayang aabot sa P180 milyon ang iluluwal ng isang law enforcement agency bilang multa kung ang nagkulong ng maling terror suspect sa loob ng isang taon.
"Masyadong malaki ito, wala ngang badyet rin ang ating law enforcement agency," ani Blancaflor.
Sa halip, iminungkahi ng kalihim na na gawing P20,000 kada araw at hindi hihigit ng P2 milyon ang kompensasyon bilang danyos-perwisyo.
Bubuo ang task force ng isang grupong susuri sa Human Security Act at ang mga mailalatag na panukalang pag-amyenda ay agad na ihahain sa pagbubukas ng 14th Congress sa Hulyo.
Gayunman, aminado si Blancaflor na maaaring matagalan pa ang pag-apruba ng anumang pag-amyenda sa anti-terror law dahil na rin sa dadaanan nitong proseso.
Sampung probisyon o paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code at presidential decrees ang inihanay bilang bahagi ng depinisyon ng terorismo.
Kabilang rito ay ang articles 122 (piracy in general and mutiny in the high seas), 134 (rebellion or insurrection), 134-a (coup d'etat), 248 (murder), 267 (kidnapping and serious illegal detention), 324 (crimes involving destruction), 5207 (Atomic Energy Regulatory and Liability Act), 6235 (Anti-Hijacking Law), at Presidential Decrees 532 (Anti-Piracy and Anti-Highway Robbery law of 1974) at 1866 (illegal possession of firearms and explosives).
Inaasahang daragsain ng protesta ang balak ni Blancaflor, partikular sa pagbabawas ng danyos kada araw mula P500,000 sa kakapiranggot na P20,000. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment