MANILA (Mindanao Examiner / 09 Mar) – Maiinit ngayon ang mata ng Anti-Terrorism Task Force (ATTF) na maihanay bilang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines at New People's Army (CPP-NPA) kasunod ng pag-aaral na isasagawa hinggil dito.
Sinabi kanina ni Undersecretary Ricardo Blancaflor na ang anumang ilegal na organisasyon ay paglabag na sa Revised Penal Code at isa sa tinutukoy ay ang NPA.
Ang isang ordinaryong miyembro ng komunistang grupo na sumusuporta lamang sa kilusan ngunit hindi nakikisangkot sa opensiba ay maaaring makulong ng anim na buwan at apat hanggang anim na taon naman sa mga aktibong sumasabak sa pagsalakay sa militar at sa mga inosenteng sibilyan.
Sa ngayon, ang CPP aniya ay maihahanay na lehitimong political organization dahil sa pagbasura sa Anti-Subversive Law.
"Well based on their previous actuations, the NPA can be consider now as terrorists," ani Blancaflor.
Ngunit, nilinaw ng opisyal na hindi pa opisyal na maitatakda ang NPA bilang teroristang grupo hanggat hindi pormal na naipatutupad o epektibo ang Human Security Act.
Samantala, hindi pa rin maihayag kung anu-anong grupo ang maihahanay bilang mga terorista na dedeterminahin ng Department of Justice (DOJ) at aaprubahan ng Regional Trial Courts (RTCs).
Kabilang na ang Abu Sayyaf Group at Rajah Solaiman Islamic Movement sa mga maituturing na teroristang grupo. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment