QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 31 Mar) – Pinaboran diumano ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang operasyon ng militar sa Metro Manila sa harap ng lumalaking batikos ng mga residente at militanteng grupo kontra Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nabatid ito kay AFP National Capital Region Command Chief Major General Mohammad Dolorfino kasunod ng pagbisita sa detachment ng militar sa Baseco, Tondo, Maynila kaninang umaga. "Congratulations and keep up the good work," ayon kay Dolorfino na sinabi umano ng Pangulong Arroyo sa kanila.
Wala rin umanong nabanggit ang Pangulo hinggil sa pag-alis ng tropa ng mga sundalo sa Kalakhang Maynila.
Sinamahan pa ang Pangulo nina Defense Secretary Hermogenes Ebdane Jr., Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon at Army Chief Lieutenant General Romeo Tolentino sa pag-ikot sa mga proyekto ng militar sa Metro.
Matapos lumisan ang Pangulo ay pinasinayaan sina Ebdane, Esperon, at Tolentino ang itinayong palikuran ng mga sundalo sa Isla Puting Bato.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Dolorfino na nilalayon ng militar na tuluyang mapilayan ang mga komunista sa pamamamagitan ng pagtulong para mapagaan ang buhay ng mga mahihirap.
"Using military force is not enough. The real solution is at the root of the problem – poverty," punto ni Dolorfino.
"What we are doing is to make the CPP-NPA irrelevant. If there are no problems in the communities, they will die a natural death," dagdag pa nito. Subali’t muntik nang mapahamak ang isang babae matapos na ito’y mapagkamalang miyembro ng hit squad ng New People's Army sa Tondo, Maynila kanina rin.
Inakala ng mga nagpapatrulyang sundalo na tattoo ang tuldok ng bolpen sa pisngi ng isang 42 anyos na babae, isang palatandaan ng mga komunista noong 1980s.
Katwiran ng babaeng tumangging magpatukoy ng pangalan, nakuha na ang tinta ng bolpen sa mukha habang nakikipaglaro sa kanyang mga pinsan.
Nang lumabas siya ng bahay ay tinanong ito ng mga sundalo hinggil sa pagkakaroon ng marka sa mukha. Hindi na aniya nagpumilit ang militar nang kanyang ipaliwanag ang pinagmulan ng tuldok sa mukha.
"Hindi ko alam kung ano ang ibig nilang sabihin pero sinabi ko sa kanila (mga sundalo) na mga pinsan ko ang naglagay nito nung naglalaro kami," sumbong pa ng babae sa pahayagang Mindanao Examiner.
Bagamat nasita ng mga sundalo, pabor pa rin ang babae sa deployment ng militar sa kanilang lugar. "Mas matahimik nga ngayon dito. Wala ng magnanakaw at adik," dagdag nito. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment