Thursday, March 22, 2007

Hitman Ng Ex-NPA, Kinasuhan; Satur Ililipad Na Muli Sa Leyte

MANILA (Mindanao Examiner / 22 Mar) – Ipinagharap na ng pulisya ng kasong murder ang isang suspek sa pagpapatumba sa dating rebelde sa Bataan.

Natukoy ang suspek na si Juanito Carabeo alyas Toktok na sinampahan ng kaso sa Bataan Provincial Prosecutor's Office kasunod ng pagpaslang kay Felisa Timog Ocampo, local coordinator ng Bayan Muna at rebel returnee, noong Marso 2 ng kasalukuyang taon.

Si Carabeo ay aktibong miyembro ng NPA unit na nag-o-operate sa Morong, Bataan.

Naniniwala ang pulisya na ang pagbabalik-loob ni Ocampo ang dahilan ng paglikida rito ng mga dating kapwa komunista.

Protektado na ng pulisya ang isang key witness sa nasabing pagpaslang.

Samantala, tuluyan nang dadalhin at mananatili sa Leyte si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na ihahatid sa Sabado.

Nilinaw ngayon ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Calderon na hindi totoong haharangan ng pulisya si Ocampo na makadalo sa oral arguments ng kanyang petition for certiorari sa Korte Suprema bukas.

Sa sandaling matapos na aniya ang oral argument ay ililipad na ito sa Leyte maliban na lamang kung may direktiba ang hukuman na pipigil sa nasabing hakbang.

Magugunitang inihatid si Ocampo sa Leyte subalit agad ring ibinalik ng Maynila.

"On Saturday, Satur Ocampo will be brought to Leyte, after his oral argument" unless the courts issue another order preventing the solon's transfer," ani Calderon.

Nauna nang naaresto si Ocampo noong nakaraang Biyernes bunsod ng warrant of arrest na ipinalabas ng Hilongos court dahil sa kasong 15 counts ng murder sa pakikisangkot umano sa purging activities ng komunistang grupo sa Leyte. (Juley Reyes)

No comments: