Sunday, March 04, 2007

Hustisya, Isinisigaw Pa Rin Sa Davao!

DAVAO CITY (Mindanao Examiner / 04 Mar) – Apat na taon matapos ang madugong pambobomba ng mga terorista sa air at seaport ng Davao City ay tila malabo pa rin ang hustisya sa pamilya ng mga nasawi sa atake.

Umabot sa 38 ang napatay at halos 190 naman ang sugatan sa pambobombang ibinitang sa Abu Sayyaf, Jemaah Islamiya at Moro Islamic Liberation Front.

Kanina ay ginunita ng publiko at lokal na pamahalaan ang malagim na ala-alang naganap sa Davao International Airport at Sasa Wharf upang muling ipakita sa buong mundo ang patuloy na pakikibaka ng mamamayan kontra terorismo.

Dasal at bulaklak ang inalay ng mga kamag-anakan ng trahedyang sariwa pa rin sa kanilang kaisipan. Humihingi pa rin ng hustisya ang mga naulila.

Dinidinig pa ng Regional Trial Court Branch 12 dito ang kasong multiple murder with multiple frustrated murder laban kina Esmael Mamalangkas, Esmael Akmad, Ting Idar, Tohame Bagundang at Jimmy Balulao – mga suspek sa pambobomba.

Nangako naman ang piskalya rito na gagawin nila ang lahat para matapos agad ang pagprepresenta nila ng ebidensiya para mahatulan na ang mga nakakulong na mga akusado.

Natagalan ang pag-usad ng kaso dahil sa dami ng mga usaping legal ukol rito.
Ngunit sa panig naman ng akusado ay sinasabi ng kanilang pamilya na ginawang fall guy lamang ang mga dinakip at pinahihirapan pa umano.
(Romy Bwaga)

1 comment:

Anonymous said...

Let us make a shrine for all the people who were victims. So, it will remind us. Not to go the same path again. And, we remember them every year.