Saturday, March 24, 2007

Katutubo Nagbanta Kontra Pamahalaan, TVI Mining!

ZAMBOANGA DEL NORTE (Mindanao Examiner / 24 Mar) – Nagbabanta ang ilang grupo ng mga Subanon kontra sa pamahalaan na hindi susuportahan ang TEAM Unity kung patuloy ang operasyon ng TVI mining sa kabundukan ng Canatuan.

Mistulang blackmail naman ang ginagawa ng mga Subanon upang puwersahin ang pamahalaan na ipasara ang naturang gold mine operation ng TVI – na siyang nagbibigay naman ng milyon-milyong buwis sa kaban ng bansa at sa lalawigan.

Idinulog pa sa Zamboanga City ng mga opisyal ng grupong Subanon ang kanilang hinaing at nagpatawag pa ng press conference kamakailan. Hindi kasi umano pinapansin ng media sa Dipolog ang mga protesta ng Subanon.

Ngunit karamihan sa mga Subanon sa Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur ay pabor sa TVI dahil nabibigyan nito ng trabaho ang libo-libong mga mamamayan at naipagawa rin ang maraming kalsada at gusali upang gawin paaralan at health centers.

Hinihinalang pakana ng Simbahan ang protesta ng mga Subanon laban sa TVI.

Hindi naman agad makunan ng reaksyon ang TVI at TEAM Unity ukol sa nasbaing banta. Ngunit naunang pinaboran ng pamahalaan ang operasyon ng TVI dahil sa mga modernong gamit nito sa pagmimina at suporta rin ng malalaking grupo ng mga Subanon ang pagmimina.

Ang Subano ay ang mga katutubong naninirahan sa lalawigan.
(With a report from Ely Dumabog)

No comments: