QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 29 Mar) – Sinibak kanina sa kanyang puwesto ang hep ng Manila Police District matapos ng halos 12 oras na hostage-drama na naglagay sa bansa sa matinding kahihiyan sa buong mundo.
Inaprubahan ni Interior Secretary Ronaldo Puno ang pagkakasibak sa puwesto ni Police Senior Superindent Danilo Abarsoza bilang hepe ng Manila Police District.
Katwiran ni Puno, nagkaroon ng procedural lapses sa pangangasiwa ng hostage drama sa Maynila kahapon matapos na bihagin ni Jun Ducat, 56, ang mahigit sa dalawang dosenang bata at guro sa labas lamang ng City Hall ng Manila.
Una ring inamin ng Philippine National Police (PNP) na nagkaroon ng ilang kapalpakan sa hostage crisis management matapos na mabigong makontrol ang publiko bukod pa sa hinayaang may makialam na politiko bilang mga negosyador.
Bagamat hindi aniya masisisi sina Senator Ramon Revilla Jr. at dating gobernador Luis Chavit Singson na makialam sa krisis, hindi na sila dapat pinayagan ng pulisya.
Idinagdag pa ni Puno na hindi rin nasunod ng MPD ang standard operating procedure (SOP) na iakyat sa crisis management committee na pinamumunuan ng alkalde ang anumang hakbang sa nasabing insidente.
Pansamantalang papalit kay Abarsoza ang deputy nito na si Senior Superintendent Antonio Decano. Kasama ring nasibak sa puwesto ay ang Station 5 Commander ng MPD na si Sr. Supt. Rogelio Rosales.
Sinabi rin ng Malakanyang na dapat patawan ng parusa si Ducat sa kanyang kapangahasan. Ngunit mistulang bayani naman si Ducat -- na may isang day care center sa Barangay Parola sa Maynila -- sa maraming mga nakakakilala dito dahil kapakanan ng mga bata ang tanging hangad nito.
“Full criminal justice will be brought to bear upon the hostage takers, while attention will be given to the plight of the kids and their families. We must now leave this unfortunate incident behind and not make heroes out of wrongdoers, which will only invite others to do the same,” ani Presidential spokesman Ignacio Bunye.
”It is bad enough that young lives were put at risk. Let us not turn this into a political game,” dagdag ni Bunye.
Samantala, hindi matatanggap ni Puno bilang isang uri ng pagiging bayani o ala-Robinhood ang ginawa ni Ducat.
Bagamat malinis aniya ang intensyon ng hostage taker para sa kapakanan ng mga mahihirap, maliwanag na may paglabag ito sa batas at pagiging terorista ang kanyang ginawa.
Ipinagsigawan rin ni Ducat ang talamak na korupsyon sa bansa at kawalan ng pag-asa ng maraming mamamayan dahil sa matinding kahirapan. Nailabas sa CNN, BBC, ABC, CBS at iba pang mga dambuhalang television network sa mundo ang buong hostage crisis na isinisi naman ng mga militante sa Pangulong Gloria Arroyo.
Umapela ang kalihim sa publiko na huwag papurihan si Ducat sapagkat delikado ang naging hakbang nito para sa buhay ng mga inosenteng bata bukod pa sa sinabotahe ng suspek ang kampanya ng pamahalaan sa peace and order. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment