QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 22 Mar) - Inalis sa puwesto ang kasalukuyang kumander ng tropa ng Philippine Marine Corps (PMC) na pangunahing tumutugis sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu.
Nabatid kay Marines spokesman Lieutenant Colonel Ariel Caculitan na mula sa pagiging pinuno ng 3rd Marine Brigade sa Patikul, Sulu ay maluluklok si Brigadier General Juancho Sabban bilang Deputy Commander ng Western Mindanao Command (WesMinCom).
Epektibo sa katapusan ng buwan maisasakatuparan ang balasahan na sinasabing layunin lamang na matiyak ang mas matinding opensiba ng militar laban sa mga terorista sa Mindanao.
Naging mainit si Sabban makaraan ang insidente ng mis-encounter sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Talipao, Sulu kung saan ay siyam ang nasawi na napagkamalang ASG.
Matagal na ring umugong ang planong pagsibak kay Sabban sa posisyon kasunod nang nangyaring insidente.
Una nang pinaninindigan ni Sabban na lehitimo at walang naganap na mis-encounter sa MNLF members subalit sa isinagawang imbestigasyon ay positibong nagkamali ang tropa ng Marines na pinamumunuan ng heneral sa kanilang nakasagupa.
Papalit naman kay Sabban si Colonel Natalio Ecarma III na kasalukuyang Chief of Staff sa main headquarters ng PMC. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment