MANILA (Mindanao Examiner / 27 Mar) – Hindi agarang maipatutupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-pull out o pag-alis ng mga sundalo nitong naka-deploy sa Metro Manila.
Katwiran ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, malabong basta-basta na lamang itigil ang community service at training na isinasakatuparan ng militar sa Kalakhang Maynila.
Mas magmumukhang katawa-tawa aniya ang AFP kung ibibitin ang mga proyekto sa mga barangay gayung hindi naman umano sila nakakaperwisyo sa publiko.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na hindi pa rin nito ipag-uutos ang military pull-out sa harap ng rekomendasyon ng Commission on Human Rights (CHR).
Aniya, nasa proseso pa rin sila ng pag-aaral kung pagbibigyan ang CHR o kung maidadaan sa negosasyon.
Iginiit pa ni Esperon na hindi naman maituturing na militarisasyon ang troop deployment sapagkat purong serbisyong komunidad ang kanilang layunin.
"We are open to anything but we are studying it," ani Esperon.
Samantala, sinabi naman ni Ebdane na wala namang nababanggit sa kanya si CHR Chairperson Purificacion Quisumbing na regular nitong nakakapulong, hinggil sa hirit na military pull-out.
"Soldiers are doing something that the people are accepting. Should we stop it just because some people, who are not even from the areas, are complaining?" dagdag ni Ebdane. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment