MANILA (Mindanao Examiner / 06 Mar) – GINARANTIYA kanina ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maabuso ang pagpapairal ng Human Security Act of 2007 matapos itong tuluyang maisabatas.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr., mahigpit na tatalima ang militar sa batas laban sa terorismo na may kaukulang safety measures namang nakapaloob.
Bagamat nahihinaan si Esperon sa bagong anti-terror law, mas makabubuti na aniya ito kaysa walang ngipin ang batas laban sa mga terorista.
Naniniwala pa itong magdadalawang-isip na rin ang mga teroristang grupo na maglunsad ng pananabotahe o karahasan sa bansa kasabay ng maigting na operasyon para masugpo ang mga bandido.
Gayunman, sa pagsasabatas ng Human Security Act of 2007, hindi aniya ito nangangahulugan na magpapatumpik-tumpik na lamang ang mga awtoridad sa operasyon nito. Target ng AFP na matapos ang mga bandido lalo na sa Mindanao sa loob ng kasalukuyang taon. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment