MANILA (Mindanao Examiner / 01 Mar) - INAMIN ng Armed Forces of the Philippines National Capital Region Command ang pagpapakalat ng mga sundalo sa Kalakhang Maynila.
Una nang tinutuligsa ng mga militanteng grupo ang military deployment sa Metro na umano'y nangangampanya laban sa ilang partylists na iniuugnay sa Communist Party of the Philippines-New People's Army at nagmomonitor sa galaw ng mga aktibista.
Katwiran ni AFP-NCRCOM Chief Major General Mohammad Dolorfino, walang intensyon ang militar na magdulot ng pagkapanik sa mga militanteng grupo ang kanilang community service sa mga barangay.
Ipinaliwanag nito na nakatuon ang military deployment sa pagresolba ng mga problema sa komunidad sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police, City government, barangay leaders at non-government organizations (NGOs).
Limitado rin ang mga armadong security ng mga sundalong kumikilos sa community service.
Binigyang-diin ni Dolorfino na mahigpit ang atas ng liderato ng AFP na dumistansya sa partisan politics kung kayat malabong ikampanya nito ang pagboykot sa mga partylist group.
Hindi rin aniya magsasayang ng panahon ang militar para tiktikan ang aktibidad ng mga militanteng grupo na nangangampanya kontra pamahalaan. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment