MANILA (Mindanao Examiner / 29 Mar) – Mistulang nabahag ang buntot ng militar matapos na sabihan ng Malakanyang na kailangan ng tanggalin ang mga sundalo sa lansangan ng Metro Manila.
Bagama’t unang nagmatigas ang militar sa panawagan ng mga militanteng grupo at oposisyon ay tila tiklop naman ito sa kagustuhan ng nasa Palasyo matapos na mismong si Executive Secretary Eduardo Ermita ang nagsabing dapat na lagyan ng timeline ang unti-unting pull-out ng tropa sa Metro.
Ngunit mabilis naman na itinanggi ng Armed Forces at Defense Department na sunod-sunuran ang mga ito sa kagustuhan ng administrasyong Arroyo.
Nagkataon lamang umano na magtatapos ang ilang proyekto ng Armed Forces sa Metro Manila kung kayat maaaring magkaroon ng pagsamantalang pag-pull out sa mga sundalo nito sa Mayo ng kasalukuyang taon.
Katwiran ito ngayon ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na aniya'y ang pag-aalis ng puwersa ng militar sa Kalakhang Maynila ay nakadepende sa assessment ng National Capital Region Command (NCRCom).
Bago ang halalan aniya ay maaaring makumpleto na ang konstruksyon ng mga day care centers at pampublikong palikuran na tinatrabaho sa kasalukuyan ng mga sundalo sa mga barangay.
Aminado si Esperon na may mga plano na ring tuluyang tapusin ang mga aktibidad sa Metro Manila.
Gayunman, nilinaw ni Defense Secretary Hermogenes Ebdane Jr., na ang balaking pag-pull out sa troop deployment ay hindi pagsunod sa hirit ni Ermita na magtakda ng timeline ang AFP para tuldukan ang mga proyekto.
"Ermita's statements are always misquoted. He asked the military to consider a timeline, not to set a timeline," ani Ebdane.
"He is leaving the up to the AFP and the defense department. There is a review and the decision will come from the chief of staff. He does not want to micro-manage," dagdag nito.
Samantala, binalingan naman ni Esperon ang pagbanat na isasagawa ng Europa hinggil sa usapin ng extrajudicial killings sa Pilipinas.
Sinabi ni Esperon na hindi makatarungan ang pahayag ni United Nations rapporteur Philip Alston na nagbabalang mawawalan ng international support ang bansa kung mabibigong tapusin ang mga political killing.
Sa una pa lamang aniya, matapos na tulungan ng AFP ang UN rapporteur sa imbestigasyon nito ay nakatikim na ng pagkastigo at pagdidiin ang militar.
Ayon kay Esperon, nabigo si Alston na bigyang-pahalaga ang matinding pagsusumikap ng gobyerno na matuldukan ang mga pagpaslang ng militante at mamamahayag.Hindi rin aniya dapat pinanghihimasukan at binibigyan ng maling interpretasyon ang operasyon ng militar laban sa insureksyon.
Una nang inilantad ni Alston na "Order of Battle" approach ang paraan ng kampanya ng AFP kontra komunismo kung saan ay maaaring magbigay-daan sa pagpapatumba ng mga maling kalaban sapagkat nakabase lang na intelligence ang impormasyon.
Maliwanag rin umano na sa counter-insurgency campaign ng gobyerno ay bukas o nakakatulong pa para maging lehitimo ang extrajudicial killings.
Ngunit, para kay Esperon, hindi kinukunsinti ng AFP ang ilegal na pagpaslang at sa katunayan ay mga kaukulang imbestigasyon at prosekusyon ang kanilang hanay sa mga suspek sa extrajudicial killings. (Juley Reyes at Chris Navarra)
No comments:
Post a Comment