Thursday, March 01, 2007

MNLF Camps Off-Limits Sa Heneral

MANILA (Mindanao Examiner / 01 Mar) – PINAGBAWALAN NG MILITAR si Major General Mohammad Dolorfino na pumasok sa anumang kampo ng Moro National Liberation Front (MNLF) kasunod ng naunang insidente ng paghostage ditto sa lalawigan ng Sulu.

Inamin kanina sa Mindanao Examienr ni Dolorfino na ayaw pa rin siyang payagan ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na magtungo sa kuta ni MNLF leader Udtadz Habier Malik sa Panamao, Sulu para sa panibaging peace mission.

Naninigurado lamang umano si Esperon na hindi na mauulit ang nangyaring tensyon na muntik nang maging sanhi ng pagsiklab ng panibagong giyera sa pagitan ng militar at ng rebeldeng grupo nuong nakaraang buwan.

Tatlong araw na hawak ng grupo ni Malik si Dolorfino at ibang mga opisyal at sundalo, kabilang na si Defense Undersecretary Ramon Santos.

Binihag ang grupo matapos na mabalitaanan ng MNLF na iniurong ng pamahalaang Arroyo ang nakatakdang tripartite meeting sa Saudi Arabia sa pagitan ng Pilipinas, Organization of Islamic Conference at MNLF upang pag-usapan ang September 1996 peace agreement.

Pinalaya sina Dolorfino matapos na siguraduhin ng pamahalaan na tuloy ang tripartite conference ngayon Marso.

Magugunitang sinabi ng AFP Chief na kung nais ni Malik na makipagkasundo sa gobyerno at magkaroon ng pag-uusap ay kailangang isagawa ito sa isang neutral na lugar.

Pinaninindigan pa rin ni Dolorfino na hindi matatawag na hostage ang naganap matapos mabigong palabasin ng kampo ang heneral, kasama ang mga tauhan ng GRP peace team.
"Pero sinabi ko na rin noon kay Malik na kapag ginawa na niya yun (hostage), hindi na ako makakabalik dun," ani Dolorfino.


Gayunman, sinabi ni Dolorfino na tuloy naman ang misyon nito na makipagnegosasyon para sa kapayapaan sa iba pang rebeldeng grupo sa Mindanao tulad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang mga kinatawan ng Philippine peace panel. (Juley Reyes)

No comments: