MANILA (Mindanao Examiner / 30 Mar) - Hinarang ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pagsibak kay Manila Police District Director Senior Superintendent Danilo Abarsoza kasunod ng mga naging kapalpakan sa hostage crisis sa Maynila.
Sa pulong balitaan, sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Calderon na hiniling nito kay Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno ang pagpapaliban sa administrative relief na iniatas para kay Abarsoza.
Katwiran ng heneral, makabubuting bigyang-daan muna ang pagsisiyasat ng inatasang grupo sa naganap na insidente at nang makapagpaliwanag si Abarsoza sa sinasabing procedural lapses sa pangangasiwa ng hostage drama.
Masyado aniyang kritikal ang posisyon ni Abarsoza upang basta na lamang tanggalin sa posisyon.
Pumayag naman kanina si Puno na ipagpaliban muna ang pagsibak kay Abarsoza.
Gayunman, nilinaw ni Puno na hindi pa rin tuluyang ligtas sa pananagutan si Abarsoza dahil magpapatuloy ang imbestigasyon sa kanya nang pumalpak sa pangangasiwa ng 10-oras na hostage drama.
Pinagbigyan ni Puno ang kahilingan ni Calderon para sa deferment sa katwirang nasa kalagitnaan ng panahon ng eleksyon at maaaring masira ang implementasyon ng security plan sa Maynila.
"Upon the request of PNP Chief Calderon in a letter to me, I have deferred the order to relieve Senior Supt. Abarsoza considering that we are now in the middle of an election season and Abarsoza is already in the midst of implementing his security plan for this critical period.”
"We will give him a chance to air his side in connection with his handling of the hostage situation," ani Puno.
Subalit, tuloy naman ang naunang direktiba ni Puno na pag-alis sa puwesto kina MPD Station 5 commander Superintendent Rogelio Rosales at police precinct commander Chief Inspector Bernardo Cubacub.
Kasabay nito, pinatatahimik rin ni Puno ang mga opisyal ng pulisya sa pagbibigay ng komento sa naturang isyu at hayaang matapos ang imbestigasyon ng panel na pinamumunuan ni Deputy Director General Avelino Razon.
Iniutos nnaman ni Calderon ang pagsasailalim sa retraining ng lahat ng mga tauhan ng MPD hinggil sa hostage crisis management.
Matapos ang MPD ay isusunod na rin ang iba pang kapulisan sa Metro Manila at sa buong bansa.
Handa naman si PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Reynaldo Varilla na maimbestigahan sa anumang posibleng pananagutan sa naganap na hostage crisis.
Si Varilla ang maituturing na pinakamataas na opisyal ng PNP na nasa lugar ng insidente ng panghohostage subalit nabigo umano itong ma-organisa ang krisis at nagkaroon pa rin ng maraming kapalpakan.
Iniligtas ni Varilla si Abarsoza na aniya'y naging maayos naman ang pangangasiwa nito sa naturang pangyayari at ang mga isasagawang pagsisiyasat ay hindi naman nangangahulugan na kailangang magdiin ng opisyal. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment