MANILA (Mindanao Examiner / 29 Mar) – Tila panibagong pakikibaka ang inilunsad ng mga dating de-ranggo at opisyal ng militar na sumabit sa nabigong coup kontra pamahalaang Arroyo – itong ang pulitika at ang battle ground ay ang Senado at Kongreso!
Nabatid na naghain kanina ng kandidatura sa pagka-kongresista ang dating rebeldeng militar na si Army Colonel Abraham Puruganan, co-founder ng Reform Armed Forces Movement (RAM) at Young Officers Union (YOU), na naglunsad ng tangkang pang-aagaw ng kapangyarihan sa gobyerno noong 1987 at 1989.
Kakalabanin ni Puruganan ang angkan ng mga Dumpit sa ikalawang distrito ng La Union.
Tulad ni dating Senador Gregorio Honasan na matapos ang pagkakasangkot sa kudeta ay nagkaroon ito ng pagkakataon na makapuwesto sa gobyerno.
Bukod kay Honasan, isa pa sa mga coup plotter na si dating Navy Lieutenant Senior Grade Antonio Trillanes naman ang nag-aambisyon na maging senador.
Si Puruganan ay nagsilbing consultant at ikalawang kalihim sa ibat-ibang posisyon sa Malakanyang. Nauna nang idineklarang freezone ang La Union dahil sa tatlong kandidato ng administrasyon ang magkakasagupa sa halalang lokal sa Mayo.
Malakas ang dating nina Trillanes at Honasan dahil sa kanilang adhikain at suporta na rin ng mga mamamayan at sundalo. (Juley Reyes at Chris Navarra)
No comments:
Post a Comment