Monday, March 19, 2007

Satur Ocampo, Madidiin Na Naman!

MANILA (Mindanao Examiner / 19 Mar) – May tinutunton ang militar na isa pang mass grave na pinagbaunan ng umano'y mga nabiktima ng purging activities o summary executions ng Communist Party of the Philippines- New People's Army (CPP-NPA) sa lalawigan ng Leyte.

Hindi rin malayong madagdagan ang kinakaharap na 15 counts ng kasong murder ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo kung may mga lulutang pang panibagong mga testigo hinggil sa mga pagpaslang ng komunista sa kapwa-rebelde.

Ipinahayag kanina ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, na iniimbestigahan ng militar ang matibay na kaugnayan ni Ocampo sa ikalawang mass grave.

"We are verifying a second grave site. We will dig it up just in case we find it," ani Bacarro.

Naniniwala pa si Bacarro na may posibilidad na marami pang mass grave ang mahuhukay sa Leyte bilang bahagi ng Oplan VD ng CPP-NPA noong 1980's.

Base sa mga naunang testimonya ng rebel returnees, si Ocampo, bilang miyembro ng CPP Central Committee, nilagdaan nito ang kautusan para sa purging ng mga pinagdududahang espiya sa kanilang hanay.

Samantala, binara ni Bacarro ang pag-aangkin ni Ocampo na recycled lamang ang mga bungo't kalansay na nahukay sa Inopacan, Leyte.

Binigyang-diin ni AFP Bacarro na naghahanap ng palusot si Ocampo upang makaligtas sa kinasasangkutang mga kasong pagpatay bunsod ng summary executions sa kapwa mga rebelde.

Iginiit ni Bacarro na may mga testigo ang militar kabilang ang mga dating rebelde na magpapatunay ng kinalaman nito sa mga pagpaslang.

"This is a legitimate mass grave. I would like to highlight the fact that during the excavation, police from the SOCO [scene of the crime operatives] were present," dagdag ni Bacarro.

Hinamon ni Major General Rodrigo Maclang, na nanguna sa paghuhukay noong ito pa ang kumander ng Army's 8th Infantry Division, si Ocampo na magpakatotoo at harapin ang kasalanan.

"Magpakatotoo ka Satur, harapin mo ang kasalanan mo. Pati ang mga kamag-anak ng biktima ng kahayupan ng NPA," ani Maclang.

Masuwerte naman at hindi natuloy sa Leyte si Ocampo dahil ibinalik ng pulisya ang eroplanong magdadala sana sa mambabatas sa lalawigan upang doon ikulong at iharap sa kasong isinampa ng pamahalaan.

Binuhat pa ng ng mga parak si Ocampo upang maisakay lamang sa van na nagdala sa kanya sa airport. Nagmatigas si Ocampo, ngunit nanaig rin ang mga escort nitong bitbitin patungong airport.

Umabot lamang sa mahigit 2 oras si Ocampo sa ere at ibinalik na agad ang jet nito sa Maynila dahil sa isang court order na inihain ng kanyang mga abogado upang pigilin ang pagdadala sa kanya sa Leyte. Itinanggi naman ni Ocampo ang lahat ng akusasyon laban sa kanya. (Juley Reyes)

No comments: