Wednesday, April 25, 2007

15 Patay Sa Diarrhea Outbreak!

BASILAN – Umabot na diumano sa 15 katao ang patay matapos na apat na barangay sa Basilan ang inulat na may diarrhea outbreak.

Mismong si Mayor Sakib Salajin, ng bayan ng Maluso, ang humihingi ngayon ng tulong sa pamahalaan upang masagip ang mga residente sa tiyak na kamatayan.

Hinihinalang maruming tubig ang dahilan ng outbreak ng sakit sa nasabing liblib na barangay.

Ngunit patuloy pa umanong biniberipika ng mga health officials ang naturang impormasyon.
Sinabi ni Dr. Jamlani Abubakar, ng provincial health office, na isang batang malnourished lamang ang nasawi dahil sa sakit, ngunit inamin naman nitong mahigit sa 100 katao ang apektado ng diarrhea.

“Inaalam pa naming yun reports kasi base sa aming records ay isang bata lamang na malnourished ang mortality at mahigit 100 naman ang affected nitong sakit,” wika pa ng doctor.

Maraming mga lugar sa Basilan ang walang malinis na patubig at marumi ang kapaligiran ng mga residente. Halos wala rin laman ang mga pagamutan sa lalawigan at maging gamut ay kulang rin.

Abala ngayon ang mga pulitiko sa pangangampanya at hindi halos makita ang mga ito. Marami sa kanila ang kung anu-ano ang ipinangako noon nakaraang halalan subalit lahat ng ito’y nanatiling nakapako.

Ang ibang mga pulitiko naman ay inaankin ang mga proyekto ng pamahalaan at ng Estados Unidos sa Basilan at pinalalabas na kanilang mga ginawa. (mindanaoexaminer.com)

No comments:

Post a Comment