Thursday, April 26, 2007

AFP, Magdadagdag Ng Puwersa Sa Metro!

MANILA - NAKAKASA na ang labing-dalawang team ng AFP National Capital Region Command upang ipakalat sa Metro Manila.

Paliwanag ni AFP NCR Command Chief Major General Ben Dolorfino, ito'y bahagi pa rin ng pagsasanay na inilulunsad ng militar sa Kalakhang Maynila para sa civil military operations (CMO).

Gayunman, nilinaw ni Dolorfino na ipalalaganap ang tropa nito pagkatapos na ng halalan.

Kasabay nito, sinabi ng heneral na may mga barangay official sa Metro ang humihirit ng karagdagang deployment ng mga sundalo sa paniniwalaang nagiging epektibo ito sa serbisyong pangkomunidad at pagsugpo ng krimen.

Samantala, makikisali na rin ang Philippine National Police PNP) sa operasyon ng AFP sa Metro Manila.

Ayon kay Dolorfino, binabalangkas na ang isang memorandum of agreement (MOA) sa PNP upang pag-isahin ang puwersa nito sa pagbibigay ng community service at pagpapanatili ng peace and order sa National Capital Region.

Alinsunod na rin ito sa umiiral na Executive Order 546 na nag-aatas sa PNP na suportahan ang AFP sa internal security operations. Maaaring dalawang pulis aniya ang sasama sa isang grupo ng mga sundalo na kikilos sa mga barangay sa Kalakhang Maynila. (Juley Reyes)

No comments: