Friday, April 27, 2007

AFP, Sala Sa Lamig-Sala Sa Init Sa Metro Deployment

MANILA - WALANG kasiguruhan ngayon kung ibabalik pa sa kalakhang Maynila ang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sandaling alisin ang mga ito bago ang eleksyon sa Mayo 14.

Kasunod ito ng direktiba ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na isailalim sa muling pag-aaral ang naging operasyon ng militar sa Metro Manila na kinabibilangan ng community services at engineering projects.

"Hindi pa definite kung may mga bagong troop deployment after elections," ani AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro.

Paliwanag ni Bacarro, mahalagang masuri kung saan nagkaroon ng kapalpakan o pagkukulang ang AFP sa kanilang pagpapatupad ng programa at training sa National Capital Region (NCR) matapos na ito ay ulanin ng pagbatikos.

Ikinukonsidera rin naman aniya ang posibleng pagkabitin ng mga napasimulang proyekto sa komunidad sakaling mapagpasyahan na tuluyan nang ipatigil ang civil military operations sa Maynila.

Ang direktibang ito ni Esperon ay simpleng pagbara sa paghahayag ni AFP National Capital Region Command Chief Major General Mohammad Ben Dolorfino na may 12 team ng mga sundalo ang nakakasa nang ipakalat makaraan ang May 14 elections.

"The deployment after elections will be subjected to review and approval of the AFP Chief of Staff," ani Bacarro.

Gayunman, wala pa ring ispesipikong araw ng planong pag-pull out ng tropa ng sundalo sa Metro. (Juley Reyes)

No comments:

Post a Comment