QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 24 Apr) – Iniutos kanina ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Calderon ang pagsasailalim sa lahat ng pulis sa orientation seminar hinggil sa implementasyon ng Anti-Terrorism Law.
Inatasan ni Calderon ang PNP Legal Service upang makipag-ugnayan sa University of the Philippines Law center para sa paglulunsad ng seminar na haharapin ng Commission on Human Rights (CHR) at Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang anumang pag-abuso sa pagpapatupad ng batas laban sa terorismo o ang Human Security Act of 2007 na magiging epektibo na sa Hulyo ng kasalukuyang taon.
Mas maingat ngayon ang pambansang pulisya lalo pa't may probisyong nagtatakda ng malaking multa sa malaking pagdakip ng mga suspek sa terorismo.
Ayon naman kay PNP Legal Service head Sr. Supt. Mario San Diego, tututukan ng seminar ang paghimay sa nilalaman ng Anti-Terrorism Law at kung paano ito maayos na maipatutupad.
Samantala, inihayag ni PNP spokesman Chief Superintendent Samuel Pagdilao na wala silang namomonitor na ispesipikong banta ng terorismo sa seguridad ng bansa.
Gayunman, patuloy pa rin ang pag-alerto sa posibleng pagsalakay ng mga bandido sa gitna ng pinakahuling pamumugot ng ulo ng Abu SAyyaf Group (ASG) sa Sulu. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment