COMPOSTELA VALLEY (Mindanao Examiner / 27 Apr) - SUMASAILALIM ngayon sa mahigpit na seguridad ang isang grupo ng mga sundalong sangkot sa pagkakapaslang sa isang hinihinalang batang gerilya sa Compostela Valley.
Nabatid kay Armed Forces Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na kinailangang ilagay sa angkop na restriksyon ang mga dawit na sundalo upang masigurong mapapaharap ang mga ito sa imbestigasyon.
Ang grupo ay pinangunahan ni 2nd Lieutenant Francis John Gabawa, ang platoon leader, sa ilalim ng 1001st Infantry Brigade, na sumagupa sa mga rebelde at ikinasawi ni Grecil Buya, 9 anyos.
Mismong ang 10th Infantry Division ng Philippine Army na ang tumututok sa pagsisiyasat upang matukoy kung sadyang may pananagutan ang mga sundalo sa pagkakasawi ni Gelacio na sinasabing biktima ng cross-fire.
Una na ring sinabi ni 1001st Infantry Brigade Commander Brigadier General Carlos Holganza ang pagdududa na isang rebelde ang napatay na si Buya dahil sadyang napakabata umano nito upang maging mandirigma.
Mas naniniwala pa si Holganza na nasawi si Buya sa gitna ng sagupaan ng mga rebelde at militar kaysa sa sinasabing napatumba ito sa giyera.
Depensa ng heneral, maraming indikasyon na isa lamang ordinaryong residente na nadamay o natamaan sa barilan ng mga komunista at tropa ng pamahalaan ang naturang biktima.
Hindi rin niya mapapanagot ang tropa ng mga sundalo sa ganitong sitwasyon."Why should they be held accountable? Her death, at the very least, it was a crossfire incident. "There are indications that point towards crossfire. There are very, very strong indications," ani Holganza.
Kaliwa’t-kanan na batikos naman ang ibinabato kay Holganza dahil sa kanyang mga pahayag. Dapat umano ay humingi ito ng patawad sa pamilya ng biktima at sampahan ng kaso ang sundalong nasa likod ng pagpatay.
“Paano kaya kung anak ng isang heneral ng militar ang mabaril at mapatay ng mga sundalo at sabihing cross-fire ito. Ano kaya ang pakiramdam ng heneral?,” ani pa ni Ben Serantes, isang human rights activist sa bayan ng Monkayo sa lalawigan.
Unang nagbigay ng press release ang militar na nagsasabing napatay umano nito ang isang "child warrior" ng NPA, ngunit biglang bawi matapos na mapatunayang inosenteng sibilyan ito (May ulat nina Juley Reyes at Juan Magtanggol)
No comments:
Post a Comment