QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 24 Apr) – Depende na umano sa desisyon ng Armed Forces General Court Martial kung mapahihintulutan nitong pansamantalang makalabas ng piitan si dating Navy Lieutenant Seniorgrade Antonio Trillanes IV upang makapangampanya bilang kandidatong senador.
Ito ang sinabi ngayon ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na binibigyan ng pagkakataon ang sinumang detinido na mag-leave ng isa o dalawang araw sa kulungan sa dahilang humanitarian.
Kinakailangan lamang na makumbinsi ni Trillanes ang military court na kuwalipikado itong mabigyan ng konsiderasyon.
Gayunman, sinabi ni Bacarro na sakaling mapayagan naman ng Makati Regional Trial Court si Trillanes na makapagpyansa o pansamantalang makalaya ay hindi pa rin ito makakalabas ng kulungan.
Katwiran ng opisyal, nasa ilalim pa rin ng hurisdiksyon ng militar si Trillanes kung saan ay hindi naman pinapayagan o walang karapatan ang mga bilanggo nito na magpyansa.
Naninindigan ang PIO Chief na umiiral ang pantay na pagtrato sa mga detinidong opisyal at tauhan ng militar kung kayat kailangang maipatupad ang regulasyon ng AFP. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment