MANILA (Mindanao Examiner / 28 Apr) - Ipinag-utos ngayon ni Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. ang pagdaragdag ng mga checkpoints sa ibat-ibang bahagi ng bansa upang labanan ang krimen na nauugnay sa halalan.
Ayon kay Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, ito'y alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Arroyo sa militar na tulungan ang Philippine National Police na tiyakin ang mapayapang halalan sa Mayo 14.
Gayunman, nilinaw ni Bacarro na kakailanganin ang opisyal na direktiba o basbas rin mula sa Commission on Elections (Comelec) bago ang deployment ng mga sundalo sa mga lugar na maituturing na hotspots.
Ito'y bunsod ng umiiral na memorandum of agreement sa pagitan ng Department of National Defense at Comelec na naglilimita na sa trabaho ng AFP tuwing halalan.
"The Chief of Staff has directed the chief of operations to direct all units to increase our checkpoints. Actually, these checkpoints can be done independently or in tandem, jointly with the PNP and the Comelec," ani Bacarro sa pahayagang Mindanao Examiner.
Sinabi pa ni Bacarro na matagal na ring pinaghandaan ng AFP ang posibleng deputization ng Comelec para tugunan ang mga seryosong armadong banta sa seguridad.
"The bottom line is we are ready to provide said assistance once we are deputized by the Commission on Elections based on the recommendation of the Philippine National Police," dagdag nito.
"We are ready and willing to do that, but of course, we will need the deputation coming from the Commission on Elections," hirit pa ng opisyal.
Maging ang PNP ay magpapatupad ng bente-kuwatro oras na checkpoints sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na mainit ang pulitika.
Samantala, patuloy na tumataas ang bilang ng mga napapaslang o nasasaktan habang papalapit ang eleksyon.
Sa pinakahuling tala ng pulisya, umaabot na sa 31 ang napapatay habang 59 ang sugatan sa ibat-ibang insidente ng pananabotahe o paglikida sa mga kandidato.
Ngunit mas mababa pa rin umano ito kumpara noong 2004 at 2001 elections.
Sa gunban monitoring naman, umakyat na sa 1,999 ang na-neutralized o naaresto, 1,820 ang nakumpiskang mga armas, 182 mga eksplosibo at 302 iba pang deadly weapons.
Samantala, itinaas naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) National Capital Region Command (NCR Com) sa red alert ang puwersa nito kaugnay sa paggunita ng Araw ng Paggawa bukas.
Nabatid kay NCR Command Chief Major General Ben Dolorfino na epektibo alas-12 ng tanghali ay inilagay na sa pinakamataas na alerto ang Metro Manila sa harap na rin ng inaasahang dagsa ng mga kilos-protesta.
Kasabay nito, tinatayang 2,000 sundalo ang nakaantabay lamang bilang ayudang puwersa sakaling hindi kayanin ng Philippine National Police (PNP) na kontrolin ang mga raliyista.
"We will place on standby our CDM [civil disturbance management] units. In addition, our quick reaction units will also be placed on standby," ani Dolorfino sa hiwalay na panayam.
Ang Labor Day ang nagsisilbing rallying point ng mga anti-government forces partikular na ang madugong pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001.
Gayunman, sinabi ni Dolorfino na malabo itong maulit sa ngayon at walang ispesipikong banta sa seguridad o kahit sa puwesto ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. "We do not foresee such thing will happen again," dagdag ng heneral. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment