Tuesday, April 24, 2007

Halalan Tahimik Raw Ngayon?

MANILA (Mindanao Examiner / 24 Apr) – Maituturing na mas matahimik ang halalan sa May 14 ng kasalukuyang taon kumpara noong 2004 sa harap ng mababang antas ng mga krimeng nauugnay sa eleksyon.

Sinabi ni PNP Directorate for Operations Director Wilfredo Garcia na sa ngayon, umaabot pa lamang sa 80 ang election relation violence kumpara sa 249 noong nakalipas na pambansang halalan.

Sa naturang bilang, 21 ang kumpirmadong may kinalaman sa pulitika ang krimen.Tinatayang 2,000 naman ang dinakip dahil sa paglabag sa pinaiiral na gunban ng Commission on Elections (Comelec). Habang umaabot sa 1,700 ang mga kumpiskadong armas.

Tinatayang 22 ang napatay at nasugatan na mga kandidato kumpara sa 41 noong 2004.

Sa partisan armed groups, nagawa umanong mabuwag ng pulisya ang malaking bilang nito mula sa 90 na ngayon ay 39 na lamang.

INaasahan ni Garcia na habang papalit ang halalan ay titindi ang init ng alitang pulitikal bagamat may mga inilatag nang hakbang ang PNP upang kontrahin ito.

Tinukoy rin ng heneral ang positibong paglakas ng pagkilos ng New People's Army lalo na ang operasyon sa permit to campaign fees.

Isang linggo naman bago ang eleksyon ay hihingin ng PNP sa Comelec na mapakilos ang Armed Forces of the Philippines upang umayuda sa pagbabantay ng seguridad sa halalan. (Juley Reyes)

No comments: