Wednesday, April 18, 2007

Kidnapping Sa Sulu, Sinisipat!

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 18 Apr) – Sinisipat ngayon ng mga awtoridad kung may kinalaman ang mga pulitiko sa pagkakadukot sa 7 katao sa lalawigan ng Sulu.

Inulat ng pulisya na Abu Sayyaf umano ang nasa likod ng pagdukot sa anim na road construction workers at isang mangingisda sa lalawigan nuong nakaraang linggo.

May hinihingi umanong P7 milyon ransom ang mga kidnappers kapalit ng kalayaan ng mga bihag na nakilalang sina Nonoy Ampoy, Loloy Teodoro, Roger Francisco, Toto Milas, Wilmer Santos at Dennis delos Reyes, pawang mga taga-Zamboanga. Hindi naman agad nakilala ang ika-pitong biktima na dinukot rin sa bayan ng Parang.

Posible umanong dinukot ang mga biktima sa utos ng ilang pulitiko upang makapangalap ng pondo sa pangangampanya o kaya naman ay publisidad.

Putok sa Sulu ang balita ng paghingi ng ransom ng Abu Sayyaf, ngunit ayaw naman itong kumpirmahin ng pulisya sa lalawigan.

Hirap naman makunan ng pahayag ang hepe ng pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na si Supt. Joel Goltiao at hindi nito sinasagot ang mga tawag sa kanyang cellphone.

Naiulat rin na dinukot ng Abu Sayyaf ang dalawa rin sundalo sa nasabing bayan, ngunit hindi naman ito makumpirma agad sa militar. Sabit umano si Abu Sayyaf Commander Albader Parad sa mga pagdukot. (Mindanao Examiner)

No comments:

Post a Comment