Ang abogadong si Karlo Nograles, ng KALAHI party list, habang nagpapaliwanag sa isang forum sa Mindanao. May bitbit na pangako ang KALAHI party list para sa lahat ng OFWs at Mindanaoan kung mahahalal sa May 14 elections. Malakas ang KALAHI party list group sa Mindanao dahil sa magagandang programa nito.
DAVAO CITY – Matapos ng masaklap na nangyari kay Pinay domestic helper Flor Contemplacion na binitay sa Singapore noong Marso 17,1995 -- binuo ng mga Overseas Filipino Workers at ng kanilang pamilya ang party list group na KALAHI -- upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang bawat Pilipinong OFW at pangako ng magandang buhay.
Si Contemplacion ay inakusahang pumatay sa kapwa Pinay helper na si Delia Maga at sa alaga nitong tatlong-taong gulang na Singaporean na si Nicholas Huang noong Mayo 14, 1991.
Ayon sa abogado ng KALAHI na si Karlo Nograles, ang nangyaring kawalang hustisya kay Contemplacion at iba pang inabusong OFWs ang nagbigay daan para mabuo ang nasabing party list noong 2005.
Matatandaang sa kabila ng deklarasyong inosente sa kamatayan ni Maga at ng bata si Contemplacion ay hinatulan pa rin itong mabitay.
Ibinalitang ang ama ng batang si Nicholas ang diumano’y siyang kumitil sa buhay ni Maga matapos na aksidenteng malunod ang bata sa loob ng banyo ng kanilang bahay.
Sinabi ni Nograles – ang ikalawang nominee ng KALAHI party list sa darating na Mayo 14 elections – na naniniwala ang kanyang grupo na kailangang bigyan ng tinig ang mga OFWs sa Kongreso upang malaman ng bayan ang kanilang kalagayan at makapagpasa ng batas na magbibigay ng proteksyon at magpapaunlad sa buhay ng tinatayang 10 milyong OFWs sa buong mundo.
"Simula na maging batas ang paghalal sa party list ay hindi pa talaga nabigyan ng tinig sa Kongreso ang mga OFWs at ngayon ang tamang panahon upang bigyan ng katuparan ang kahilingang ng bawat OFWs na magkaroon ng kinatawan sa kapulungan," pahayag ni Nograles, anak ni Rep. Prospero Nograles, ang majority floor leader sa House.
”Bilang ganti sa milyon-milyong pera na ibinibigay ng OFWs sa kaban ng bayan, ito ang tamang panahon na bigyan sila ng sapat na atensiyon at proteksyon sa pamamagitan ng paghalal ng kanilang kinatawan sa Kongreso na siyang gagawa ng batas na angkop sa mga OFWs na tinaguriang ang bagong bayani ng bansa,” dagdag pa ni Nograles.
Sinabi nito na isa sa mga batas na ipapasa ng KALAHI party list kapag ito ay nahalal sa darating na eleksyon ay ang pagbuo ng mga legal attache offices sa mga bansang may mga OFWs.
Ang legal attache offices ay sadyang mahalaga ayon kay Nograles dahil ito ang magbibigay ng abogado sa mga Pilipino kung sila ay nahaharap sa legal na usapin at kung kailangan nila ng payong legal kaugnay ng pang-aabusong kanilang mararanasan sa bansang pinagsisilbihan.
"Sa kasalukuyan ay wala talagang legal attache ang Pilipinas sa bawat bansa na siya sanang magtatanggol sa mga OFWs na nahaharap sa kaso at pang-aabuso," pahayag ni Nograles.
"Ang magtatanggol lamang sa OFWs sa kasalukuyan ay ang mga abogado ng embahada ng Pilipinas kung mayroon itong abogado, subali’t walang nakatokang abogado para asikasuhin lamang ang mga Pinoy na may kaso," dagdag ni Nograles.
Nanawagan naman si Nograles sa mga OFWs sa ibat-ibang sulok ng bansa at mundo na suportahan ang KALAHI party list sa darating na eleksyon upang maipatupad ang mga mahahalagang batas at programang laan sa bawat isa.
"Kapag nasa Kongreso na ang KALAHI party list ay hahabulin at parurusahan din natin ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng gobyerno na hindi tumutugon sa mga pangangailangan ng OFWs," babala naman ng batang Nograles.”
Para maiwasan na mabiktima ng illegal recruiters ay magpapasa ng batas ang KALAHI party list na magbibigay ng malaking parusa sa mga taong nagsasamantala sa mga nagna-nais na mag trabaho sa abroad.
Sinabi ni Nograles na gagawa din ng paraan ang KALAHI party listi na mapagaan ang mga requirement sa may gustong mag-abroad para naman hindi mahihirapan at makatulong sa mga nais na maging OFW.
"Bibigyan din ng KALAHI party list ng financial asisstance at credit relief ang mga OFWs habang sila ay wala pang sahod upang may maitustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya," ayon kay Nograles.
Magbibigay rin ng insurance program sa mga OFWs ang KALAHI party list, kasama na ang pension funds para sa mga retiradong OFWs.
"Kung may insurance na ang bawat OFWs ay may pera na ang kanilang pamilya kung sakali man na may masamang mangyari sa kanila sa bansang kanilang pinagtratrabahuhan," paliwanag pa ni Nograles.
Upang hindi naman maubos ang workforce ng bansa, nangako din ang KALAHI party list na magsasawa ng mga livelihood at entrepreneural trainings sa mga OFWs upang sa gayon ay makapagtayo ang mga ito ng sariling negosyo at tuluyang manatili sa Pilipinas kapiling ang kanilang pamilya.
"Kung gusto natin ng magandang buhay, iboto natin ang KALAHI party list para sa mga kapatid nating OFWs at sa buong Pilipinas dahil ang KALAHI party list ay binuo para sa ating lahat," wika ni Nograles. (Romy Bwaga)
No comments:
Post a Comment