Thursday, April 26, 2007

MALIK, SALI, SUGATAN SA ENGKUWENTRO SA SULU

MANILA - NASUGATAN sa huling pakikipagsagupa sa militar si Moro National Liberation Front (MNLF) breakaway group leader Ustadz Haber Malik kung kayat pansamantalang nanahimik ngayon sa mga pagsalakay sa Mindanao.

Nabatid kay AFP National Capital Region Command Chief Major General Mohammad Dolorfino na nagtamo ng sugat sa paa si Malik, base na rin sa impormasyon sa kanya ng isa ring MNLF member.

Mahigpit na tinutugis ngayon si Malik matapos ang inilunsad na terorismo sa ilang komunidad sa Sulu.

Isa pang lider ng MNLF ang malubhang nasugatan rin sa hiwalay na engkuwentro ng militar sa Parang, Sulu na nakilalang si Tahil Sali, vice chairman for military affairs ng rebeldeng grupo.

Samantala, hinamon ni Dolorfino si Malik na mapayapang resolbahin ang anumang hinanakit nito sa gobyerno kung kayat nagsagawa ng mga pag-atake.

Hindi naman aniya kailangang daanin sa dahas ang solusyon na lalo lamang makapagpapalala ng sitwasyon. “I think kung may peaceful way, why resort to force? Kung may hinanakit man siya sa gobyerno kung ano man ang dahilan n kanyang ginagawa ngayon, the best way to resolve that is to do it peacefully," ani Dolorfino.

Inamin ni Dolorfino na sinubok nitong makausap si Malik at ang iba pang lider ng MNLF subalit nabigo siya. Ayaw naman umanong makialam ni MNLF chairman Nur Misuari sa pakikipagpagnegosasyon kay Malik upang makumbinsing sumuko dahil maaaring makaapekto ito sa kanyang kinakaharap na kaso.

Sa halip, ayon kay Dolorfino, sinabi ni Misuari na may kinakausap na itong opisyal ng gobyerno at sa Organization of Islamic Conference (OIC) upang pumagitna sa usapin. (Juley Reyes)

No comments:

Post a Comment