QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 30 Apr) - Tuloy pa rin si Armed Forces National Capital Region Command Chief Major General Mohammad Dolorfino sa kampanya nito para sa malinis na halalan bagamat pinagsabihan na ng liderato ng militar na maghinay-hinay.
Inaangkin ni Dolorfino na may basbas ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. ang kanyang media advocacy laban sa dayaan sa eleksyon at responsableng pagboto.
Sa isang pulong balitaan, hinamon pa ni Dolorfino ang publiko na gamitin ang karapatan ng mga botante sa matalinong pagpili ng mga kandidato.
Noong nakaraang linggo ay inihayag ni Esperon, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito, ang babala kay Dolorfino na magdahan-dahan sa media campaign at sa halip ay tumutok sa paghahanda sa posibleng deployment ng mga sundalo bilang deputy arm ng Commission on Elections (Comelec) sa May 14.
Gayunman, nakakuha aniya siya ng go-signal kay Esperon matapos tiyaking hindi ito makakaapekto sa operasyon ng NCR Command.
"It will not affect their [troops'] operational activities and preparedness. I took this up with the Chief of Staff… It will be just me to include other heads of organizations tha are parties to this covenant," ani Dolorfino.
Una nang umani ng pagbatikos ang nasabing kampanya ni Dolorfino sa paniniwalang magiging daan lamang ito upang mapulitika ang militar.
Ngunit, giit ni Dolorfino, walang masa sa kanyang hangarin dahil hindi naman ito nag-eendorso ng ispesipikong kandidato kundi naglalatag lamang ng mga kuwalipikasyong dapat iboto ng taumbayan.
"I call on our country men, the responsibility of promoting good governance starts in each one of us. Let us exercise our right to suffrage wisely. Let us not be part of efforts to influence the outcome of the election, let's not get involved in violence," dagdag ng heneral. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment