Thursday, April 26, 2007

OPINION



Batbat ng dalamhati, pag-aalala at kalungkutan sa ngayon ang karamihan ng residente ng Sulu. Ito ay kaugnay ng patuloy na opensiba na inululunsad ng mga militar sa Moro National Liberation Front sa kabila ng panawagan ng iba’t ibang mga grupo, natibo, NGO, civic groups at maging ng Organization of Islamic Conference para sa ceasefire dahil na rin sa apektong dulot nito sa mga mamamayan ng Mindanao.

Matatandaang nitong mga nakaraang lingo ay kabi-kabilang opensiba ang isinagawa ng parehong kampo ng MNLF at AFP bagay na naglagay sa karamihan ng resident eng Sulu sa bingit ng kamatayan at nagbaon pa lalo sa kahirapan.

Ang pamahalaan sa kasalukuyan ay walang inilabas na preventive measures upang protektahan ang mga naapektuhan ng giyerang ito. Sa kasalukuyan ay tinatayang karamihan ng mga pamilyang nasa war dreaded areas ay nagsilisan na sa pangambang pati sila ay madamay sa walang habas na giriang ito.

Sila ngayon ay nagtitiis sa mga evacuation areas at maging mga waiting sheds ay naging pansamantalang tahanan ng mga kaawa-awang residente ng Parang,Indanan at Patikul sa Sulu.

Walang bahay na babalikan at maging ang sakahang tanging pinagkukuhanan ng pagkain sa araw-araw ay winasak na ng mga daan-daang mortar na walang tiyak na patutunguhan.

"No person shall be deprived of life…nor shall anyone be denied the equal protection of the laws," nakasaad sa pinakaunang artikulo ng Bill of Rights. Ito ang probisyong dapat sana ay poprotekta sa mga mamamayan ng Mindanao. Ang probisyon sa konstitusyon na sinumpaang itataguyod ng mga opisyal ng ating bayan.

Marami na ang nasawi at patuloy na dumarami at dahil dito ay nananawagan kami sa mga lokal na opisyal, militar at maging sa Commander-In-Chief ng AFP na gumawa ng kaukulang hakbang para maresolba ito sa agarang panahon.

Peace talks. Ito ang nagbigay pagkakataon sa Mindanao noon na makaahon sa ekonomiya mula sa dekadang giyera na kanilang dinanas. Kabuhayan, mga bagong inprastraktura at seguridad sa kanilang buhay ang ibinunga ng hakbang na ito taong 1996. Bagamat di gaanong nakitaan ng mabilis na resulta ay naging daan naman ito upang magbukas ng maraming oportunidad sa mga kapatid nating Muslim na magbagong- buhay.

Naniniwala kami na konkretong solusyon at di sa marahas na paraan mareresolba ang gulong ito. Walang ibang paraan kundi itaguyod, igalang at pagtibayin ang Peace Accord ng 1996 at maupo muli at pag-usapan ang dahilan ng paglabag sa mga ito ng mga nakaraang taon.

Dapat rin ay magkaroon ng mga hakbang o guidelines kung paano maiiwasan ang mga paglabag dito. Walang ibang pupuntahan ang giriang ito kundi ang mesa at bago mahuli ang lahat at maraming inosenteng buhay ang masawi ay hinihimok namin ang pamahalaan na umayon sa panawagang ito.

No comments:

Post a Comment