ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 22 Apr) - Kinondena ng mga ibat-ibang grupo ng mga Muslim at religious sector ang bandidong Abu Sayyaf dahil sa pagpugot nito ng ulo sa 7 bihag sa lalawigan ng Sulu.
Walang awang pinatay ng Abu Sayyaf ang mga inonsenteng biktima matapos na mabigo ang mga bandido na makakuha ng ransom.
Anim sa mga bihag ay pawang taga-Zamboanga City at nagta-trabaho umano sa construction firm ni Sulu Gov. Benjamin Loong. Ang isa naman ay mangingisda lamang. Lahat ay dinukot nuong Abril 15 sa bayan ng Parang.
Hinihinalang pinahirapan muna ng Abu Sayyaf ang mga bihag bago ito pinatay, ayon naman sa mga nakakita sa bangkay. Kahapon ay nakaluksa pa arin ang maraming mga kaanak at pamilya ng anim na trabahador sa Zamboanga City.
Nagbabanta naman ngayon ang mga residenteng Muslim sa Sulu na magsasagawa ng malaking rally upang i-protesta ang walang habas na pamamaslang ng Abu Sayyaf ng mga inosenteng sibilyan at maging mga Muslim sa lalawigan ay pinapatay rin.
Marami sa mga Muslim ay dismayado sa malalang peace and order situation sa Sulu at sinisisi ang kawalan ng governance sa lalawigan. Marami sa mga opisyal ng Sulu ay palaging nasa Zamboanga at Maynila at halos hindi makita sa kanilang mga tanggapan.
Maging si dating Sulu Gov. Sakur Tan ay dismayado rin sa naganap at sinisi nito ang diumano’y kawalan ang governance sa lalawigan at malalang peace and order situation doon.
“There is no governance(in Sulu) because many politicians who are supposed to stay in their office and do their duties as public servants stay in Zamboanga and travel to Manila for good time.”
“The peace and order condition is getting worse by the day and people are tired and sick of violence and killings and fighting. We need people who will really work hard and served the public well. Kailangan malapit ang komunidad sa mga leader upang mabatid ang problema.”
“Yun mga pinugutan ng ulo ay naghahanap buhay lamang, pero ang tanong ay bakit sila dinukot at bakit pinugutan ng ulo agad. Dapat nabuksan ang isang mapayapang negosasyon upang mailigtas ang buhay ng mga biktima,” ani Tan sa isang ambush interview ng mga mamamahayag sa Zamboanga City.
Sinabi naman ni Maj. Eugene Batara, ang spokesman ng Western Mindanao Command, na patuloy ang pagtugis ng military sa bandidong grupo. Ipinadala pa ng Abu Sayyaf ang mga ulo sa militar sa bayan ng Parang at Indanan.
“Our troops are pursuing the terrorists,” ani Batara sa pahayagang Mindanao Examiner.
Nauna umanong humingi ng limang milyong ransom ang Abu Sayyaf kay Loong ngunit tinangihan naman ito ng pulitiko. Ayon sa ibang ulat ay isang milyong piso bawat isa ang hiling ng Abu Sayyaf.
Nakilala naman ang anim sa pinugutan na sina Nonoy Ampoy, Loloy Teodoro, Roger Francisco, Toto Milas, Wilmer Santos at Dennis delos Reyes. Hindi agad nakilala ang ika-pitong biktima.
Patungo sa trabaho ang anim na biktima sakay ng isang dump truck ng sila’y harangin at dukutin sa bayan ng Parang ng Abu Sayyaf sa ilalim ni Albader Parad.
Ayon pa sa ibang ulat ay may dalawa pang bihag na sundalo ang Abu Sayyaf. Dinukot rin ang dalawa na diumano’y sakay ng isang jeep sa nasabing bayan, ngunit wala umanong balita ang militar ukol dito.
Bukod sa Abu Sayyaf ay patuloy rin ang labanan sa pagitan ng militar Moro National Liberation Front rebels sa Sulu at umabot na sa 24 ang mga nasawi at mahigit sa 100 ang sugatan mula pa nuong Abril 13.
Nagbabala rin si MNLF leader Habier Malik na may mga atake pang magaganap. Galit nag alit si Malik sa militar na inakusahan nitong nasa likod ng pagpatay sa mga rebelde sa ilang ulit na sagupaan.
Lumabag umano ang militar sa September 1996 peace agreement sa pagitan ng MNLF at pamahalaan. Iginigiit naman ng militar na kinukupkop ng MNLF ang Abu Sayyaf at Jemaah Islmiya bombers sa Sulu na itinanggi naman ni Malik. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment