Monday, April 30, 2007

Pulisya Duda Pa Rin Sa Killer Ni Julia Campbell

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 28 Apr) – Bagamat umamin na si Juan Dontugan na siyang pumatay kay United States Peace Corps volunteer Julia Campbell ay sisiyasatin pa umano ng pulisya ang naturang krimen.

Sinabi kanina ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Calderon na kinakailangan pa ring siyasatin ang mga naging salaysay ni Dontugan sapagkat maaari rin umanong gumawa ng palusot ito upang makaiwas sa mas mabigat na kaparusahan.

Inaangkin ni Dontugan na aksidente lamang ang pagpatay nito kay Campbell na napagkamalang kanyang kaaway.

Ngunit, ayon kay Calderon, mahalaga ring makumpirma ang tunay na mga nangyari, batay sa mga ebidensyang nakalap ng pulisya at sa testimonya ng mga testigo.

Inuungkat na rin ng PNP kung sino ang sinasabing nakaaway ni Dontugan at kung saan nag-ugat kung kayat tila napraning ito at napagkamalan si Campbell.

Si Dontugan ay sinampahan na ng kasong pagpatay ng Ifugao Provincial Police Office.

"We do not take his statement hook, line, and sinker. It was a doubtful statement. We base our findings on investigation, physical evidence. Kaya nga murder. Otherwise it is a homicide case," ani Calderon.

Sa pagharap sa suspek sa mga mamamahayag, hindi napigilan ni Dontugan na maiyak ngunit nananatiling tikom ang bibig.

Sinabi ni Calderon na nakunsensya umano si Dontugan kung kayat minabuti nitong kusang sumuko sa mga awtoridad. Subalit ang pagsuko nito ay walang timbang sa anumang kaparusahan ipapataw sa kanya.

Sumailalim na rin sa drug test ang suspek para alamin kung gumagamit ng ipinagbabawal na gamot si Dontugan na maaring nakaimpluwensya sa pagsasakatuparan nito ng krimen, bukod pa sa eksaminasyon sa ibang ebidensya.

"Mr Dontugan's blood and urine specimen have been taken for laboratory analysis, as well as the bloodied shirt and ballcap, piece of firewood, and a bolo which the suspect claimed he used as tool to move soil to cover the victim's body. This examination will be useful in establishing our case," dagdag pa ni Calderon. (Juley Reyes)

No comments:

Post a Comment