SULU - KAPALPAKAN sa seguridad ang naging sanhi ng pamamaril sa loob ng isang detachment ng Philippine Army na ikinasawi ng siyam na sundalo sa Parang, Sulu makaraang matukoy na ang suspek sa krimen.
Nabatid kay Armed Forces Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na kasunod ng isinagawang imbestigasyon sa insidente sa patrol base ng Charlie Company ng 35th Infantry Battalion sa Silangkan sa naturang lalawigan, natukoy na isang sibilyan ang nakapasok sa loob ng kampo bagamat dis-oras ng gabi.
Ito rin ang sinabi ni AFP chief Gen. Hermogenes Esperon ng magtungo dito kamakailan upang tignan ang opensiba kontra rebeldeng grupo at mga terorista.
Noong gabi ng Abril 6, bago ang insidente, isang hindi nakilalang sibilyan ang namataang kasama ni Private First Class Nautan sa kantina malapit sa detachment at saka sila pumasok at nagpahinga sa kampo.
Dakong alas-2:25 ng madaling araw ng Abril 7 nang samantalahin ng suspek ang dilim at puwersahang kinuha ang M16 rifle ng isang duty guard.
Nagkaroon ng habulan habang patuloy sa pagratrat ng baril ang suspek at nagpadala na rin ng ayudang puwersa ng mga sundalo mula sa headquarters ng 35th IB.
Umabot ng hanggang 5:30 ng madaling araw bago pa mapatay ang nag-iisang suspek matapos na gumamit na rin ng matataas na kalibre ng baril at machine gun ang mga sundalo.
Sa ngayon ay masusing sinisiyasat ng militar ang positibong identipikasyon ng suspek at wala pang katiyakan sa motibo ng krimen.
"Even as we have singled out the perpetrator of the said killing, we consider it imperative to establish his identity in order to be able to determine his motive," ani Bacarro.
Aminado naman si Bacarro na nagkaroon ng paglabag sa standard operating procedures nang payagang makapasok ang isang sibilyan sa loob ng kampo sa alanganing oras. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment