Saturday, April 28, 2007

Zamboanga Medical Center, Umani Na Naman Ng Batikos!

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 28 Apr) - Maluha-luhang dumulog kanina sa tanggapan ng Mindanao Examiner ang isang residente ng Barangay Cabatangan dito dahil diumano sa pagkadismaya sa naging gawi ng Zamboanga Medical Center sa mga pasyente nito.

Ayon kay Flor Delgado,maaga silang lumisan ng kanilang bahay upang ipatingin ang anak nitong ilang araw ng nakaratay dahil sa matinding ubo at paninikip ng dibdib. Nagtungo sila sa Out-Patient Department ng naturang ospital at pagdating doon ay walang tao sa medical room.

“Naghintay kami doon ng ilang minuto kasama ng iba pang mga pasyenteng naghihintay para magpatingin. Nang mainip kami ay nagtanong kami sa guwardya kung anong oras babalik ang doctor at ang sabi nito ay banding ala-una pa ng hapon babalik ang mga manggagamot,” salaysay pa ni Flor.

Dahil sa ayaw ng gumastos pa ng pamasahe ay nagtiyaga na lamang daw silang maghintay sa labas. “Tiniis na lang namin ang init ng araw,” ani Flor.

Matapos diumano ng higit sa apat na oras na paghihintay ay bumalik sila sa medical room at napag-alaman na half-day lang pala ito pag Sabado. “Wala man lang nagsabi o kahit na nakapaskil man lang sa pader na nagsasabing half-day lang pag Sabado ang mga doktor sa OPD.

Kung ganun naman pala eh dapat ay hindi na palabas-labas ang doktor,” galit na banggit ni Flor.

Sinadya namin ang naturang hospital at kinapanayam ang ibang naroon. “Worst na yata itong Zamboanga Medical Center. Ang daming mga nurse pero walang ibang ginagawa kundi ang magkuwentuhan. Dahil ba sa mahihirap lamang ang mga pasyente kung kaya’t halos kung sino kung makapag-trato sa amin,” ani ni Rolando Cervantes na naghihintay ng mag-aasikaso sa kasama nitong may sakit.

Marami na ring naiulat na mga reklamo ukol sa hindi magandang ugali at aroganteng turing ng mga nurse sa ospital. Bagay ng ipinagsasawalang bahala lamang ng lokal na pamahalaan.

Ang Zamboanga Medical Center ay isang government-owned institution na itinayo para sa mamamayan ng Zamboanga Peninsula. “Sana maisip nila na ang suweldong tinatanggap nila ay mula rin sa buwis na kinakaltas sa kakarampot naming sahod,” diin pa ni Flor. (Chris Navarra)

No comments:

Post a Comment