QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 30 May) – Nabigyan na ng bagong posisyon ang mga nagsilbing security aide ni dating Commission on Elections (Comelec) Commission Virgilio Garciliano makaraang makaladkad ang mga pangalan sa sinasabing mga akusasyon ng dayaan noong nakalipas na May 2004 elections.
Kinumpirma ng mapagkakatiwalaang source na nakatalaga ngayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina Army Captains Marlon Mendoza at Valentino Lopez.
Diumano'y tinangka ni Lopez na suhulan ang opisyal ng Comelec sa Western Mindanao na si Atty. Helen Aguila-Flores nang halagang P50 milyon upang matiyak ang pagkapanalo ni Pangulong Gloria Arroyo at isang kandidatong alkalde sa Zamboanga.
Tumestigo naman si Mendoza sa imbestigasyon ng Senado noong Agosto 2005 na naghayag na nagyabang diumano noon si Garcillano sa isang inuman na nagbigay ng P300 milyong kontribusyon ang isang jueteng lord para sa kampanya ng Pangulong Arroyo.
Si Mendoza ay magugunitang nahaharap sa court martial dahil sa umano'y pamemeke ng P8 milyong halaga ng ID ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Si Lopez ay sinasabing nakaposisyon ngayon sa complaint reaction unit ng PDEA.
Katwiran ng source, bagamat may kasong kinakaharap ang mga dating aide ni Garcilano, hindi pa naman ito natutuldukan at wala pang parusang ipinapataw.
Dagdag pa ng source, si Lopez ay agaran rin umanong naitalaga makaraang maipuwesto si dating AFP Chief of Staff General Dionisio Santiago sa PDEA.
Hindi naman agad makumpirma ang naturang impormasyon at lahat ng alegasyon ukol sa dalawang opisyal. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment